Home METRO 6 tiklo sa Makati buy-bust ops

6 tiklo sa Makati buy-bust ops

MANILA, Philippines – Sa isinagawang buy-bust operation ng mga miyembro ng Makati City police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ay nadakip ang anim na indibidwal Lunes ng gabi, Pebrero 17.

Kinilala ni Makati City police chief P/Col. Jean Dela Torre ang mga nadakip na suspects na sina alyas Alex, 47; alyas Aron, 24; alyas Uzman, 48; at tatlong babaeng suspects na sina alyas Isa, 52; alyas Vangie, 50; at isang alyas Cindy, 48.

Ayon kay Dela Torre, naganap ang pag-aresto sa mga suspects dakong alas 10:03 ng gabi sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng SDEU sa Barangay Bangkal, Makati City.

Matagumpay na naisakatuparan ang pagdakip sa mga suspects partikular kina alyas Alex at alyas Isa na mga target ng naturang operasyon makaraang magpanggap na buyer ang isang operatiba na nakabili ng shabu sa dalawang suspects.

Sa patuloy na pagsisiyasat ay nakuhanan din ng heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu kina alyas Aron at alyas Cindy.

Sa kabuuan ay nakumpiskahan ang mga suspects ng 52 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱353,600.

Bukod sa nakumpiskang ilegal na droga ay nakuha din sa posesyon ng mga suspects ang dalawang mobile phones (Oppo at Redmi), ₱1,000 buy-bust money na nakapaibabaw sa 79 piraso ng tig-₱1,000 boodle money, at mga drug paraphernalia.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Makati City police ang mga suspects na nahaharap sa kasong paglabag sa RA9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). (James I. Catapusan)