TRAFFIC dito, traffic doon at kahit saan bumaling o magtungo ay talaga namang mabagal ang daloy ng mga sasakyan. Hindi na ito bago sa Metro Manila lalo na’t nalalapit na ang Kapaskuhan.
Marami ang nagtutungo sa party ng iba’t ibang tanggapan at marami rin ang mga nagtutungo sa mga pamilihan tulad ng malls upang magshopping ng kanilang mga pamasko.
Akala ko, dahil halos araw-araw ako sa kalye, ay ako lang ang nakapupuna na ang mga pulis lalo na ang motorcycle cops ay madalas na gumamit ng wang-wang at blinker lalo na kapag may ini-escortan silang VIP o very “influential” person (pareho lang naman sa important).
Masasabing napaka-“entitled” (pahiram ng word Boss Jo) ng mga pulis na ito at mga sasakyang kanilang ini-eskortan dahil kailangang patabihin nila o papuntahin sa gilid ang mga sasakyang humaharang sa kanila.
Aba naman, baka hindi alam ng mga pulis na ito na may bahagi sa sweldo nila ang mga taong pinatatabi nila. Ang mga VIP lang ba nila ang nagmamadali? Dahil late na sila sa pupuntahan nila?
Aba’y dapat maging parehas sila. Kung ayaw nilang mahuli sa dadaluhang party o engagement, dapat ay maaga silang umalis sa pinanggalingan nila at hindi itong gagamit sila ng escort para lang mapabilis ang biyahe nila.
O sige, ipagpalagay na may police escort sila mula simula. Pero dapat bang gumamit ng wang-wang o blinker? Baka hindi nila alam na ang ginagawa nila ay isang porma nang pambu-bully?
Dahil magara ang sasakyan nila, dahil mayaman sila at dahil kaya nilang bumayad ng escort ay aabuso na sila? Maging sensitive naman sila. May mga nagmamadali rin naman na kapag pinatabi nila para makaraan sila ay nagiging sanhi nang mas mabigat na daloy ng trapiko.
Sana lang kumilos ang Land Transportation Office at Philippine National Police sa ganitong isyu.
Sabagay, iyon ngang police cars na pupunta sa Bicutan mula sa mga district ay gumagamit din ng blinker at wang-wang upang hindi ma-traffic dahil baka masabon sila ng opisyal. Kaya naman ginagamit nila ang “back to basic”. Iyong dating gawi ba!
Sa mga na-bully ng mga naka-blinker at wang-wang, MERRY CHRISTMAS! Bawi na lang tayo sa ibang paraan.