MANILA, Philippines – Nilinaw ng Supreme Court (SC) ang mga prescriptive period o panahon kung kailan lang pwede maghain ng value-added tax (VAT) refund claim sa Commissioner of Internal Revenue (CIR).
Sa desisyon ng SC Third Division, nagbigay ito ng buod para sa paghahain ng mga administrative VAT refund claim base sa mga panuntunan ng Bureau of Internal Revenue at ng TRAIN Law.
A. Para sa mga administrative claim na isinampa bago ang June 11, 2014:
1. Ang 120 araw ay magsisimula sa petsa ng paghahain ng administrative claim na may kumpletong mga dokumento o kapag ipinahiwatig ng taxpayer na hindi na ito magsusumite ng mga karagdagang dokumento.
2. Kung ang BIR ay humiling ng karagdagang mga dokumento, ang taxpayer ay may 30 araw upang sumunod, at ang 120-day period ay magsisimula sa pagsumite o pag-expire ng ibinigay na panahon.
3. Kung hindi aabisuhan ng BIR ang taxpayer na ang pagsusumite ay hindi kumpleto, ang 120 na araw ay magsisimula sa petsa na ang taxpayer ay boluntaryong nagsumite ng mga karagdagang dokumento.
4. Ang taxpayer ay dapat magsampa ng administrative claim sa loob ng dalawang taon mula sa katapusan ng taxable quarter.
B. Para sa mga administrative claim na isinampa mula June 11, 2014 hanggang December 31, 2017:
1. Ang 120 araw ay magsisimula sa petsa ng paghahain ng administrative claim na may kumpletong mga sumusuportang dokumento.
2. Ang taxpayer ay hindi maaaring magsumite ng mga karagdagang dokumento.
3. Ang taxpayer ay dapat maghain ng administrative claim sa loob ng dalawang taon mula sa katapusan ng taxable quarter.
C. Para sa mga administrative claim na isinampa simula January 1, 2018:
1. Ang BIR ay may 90 araw para resolbahin ang administrative claim mula sa petsa ng paghahain nito kasama ng kumpletong mga sumusuportang dokumento.
2. Kapag naihain na ang isang administrative claim, hindi na maghahanap ang BIR ng karagdagang mga dokumento mula sa taxpayer. Kung hindi kumpleto ang claim na isinumite, dapat kaagad itong hindi papayagan.
3. Ang taxpayer ay dapat maghain ng administrative claim sa loob ng dalawang taon mula sa katapusan ng taxable quarter o ang mula sa pag-issue ng tax clearance sa mga pagkakataong nakansela ang rehistro o natigil ang negosyo. Teresa Tavares