Home OPINION PAANO MAKAKAIWAS SA PAGSABOG NG TANGKE NG LPG?

PAANO MAKAKAIWAS SA PAGSABOG NG TANGKE NG LPG?

SUMABOG ang isang Liquefied Petroleum Gas tank cylinder sa isa sa mga bahay na tinupok ng sunog sa Brgy. Culiat, Quezon City nito lamang nakaraang Martes kung saan 30 pamilya ang naapektuhan.

Tatlong araw bago ang pangyayaring ito, nasabugan din ng LPG tank ang isang kainan sa Davao City na ikinasugat ng anim na katao.

Noong Setyembre nito lamang nakaraang taon, walong residente naman ang nabiktima ng pagsabog sa Brgy. 310, Sta Cruz, Maynila. Nakupo, pihadong hahaba pa ang ating listahan kung maghahalungkat pa tayo ng mga kaparehong kaso na naitala ng Fire and Arson Investigators ng Bureau of Fire Protection.

Sa tatlong kaso na ating nabanggit sa itaas, nakumpirma sa ulat ng FAI na may depekto ang LPG tank cylinder na naging dahilan ng pagsabog sa Sta. Cruz, Maynila. Iyan din ang ating kinatatakutang mangyari kaya nakaugalian na nating mag-inspeksiyon sa tuwing bumibili ng LPG cylinder na gagamitin sa bahay. Ating ibabahagi ang ilang tips kung paano natin ito isinasagawa.

Bilang isang konsyumer, naglalaan tayo ng kaunting oras sa pagsusuri ng cylinder bago bumili. Itinutuon natin ang ating isipan hindi lamang sa pagsukat ng timbang ng laman ng tangke kundi gayundin sa nararapat na kondisyon ng LPG cylinder.

Lagi nating isinasaisip na ang mga ito ay kailangang gawin para sa kaligtasan ng ating kabahayan at kapaligiran. Hindi kayo inoobligang sundin ang apat na tips na ating ibabahagi. Nasa sa inyo na iyan kung kokopyahin n’yo o hindi.

Unang-una, bumili lamang sa mga rehistrado at accredited dealer. Maaari ninyong maberepika online ang pangalan ng tindahan. May sinusunod kasing pamantayan sa pagbebenta nito para mapanatili ang kalidad at kaligtasan ng mga konsyumer.

Pangalawa, usisain ang markings sa paligid ng cylinder. Kailangang nandun ang brand name, tare weight at serial number ng tangke. Pangatlo, siguraduhing may security/safety seal ang balbula ng tangke. Kailangang markado rin ito at magkapareho ang pangalan/logo ng tangke at ng seal. Pang-apat, tingnan ang paligid at ilalim ng tangke kung may malalang kalawang, kaunting crack o bent at iba pang pisikal na depekto.

Kung pumalya sa kahit isa sa apat na tips ang tangkeng ibinebenta, huwag n’yo na itong bilhin. Huwag manghinayang sa oras na inilaan dahil kung makatagpo ka naman ng pasado sa ating requirements, eh’ tiyak naman ang ating kaligtasan.

Pag-uusapan natin sa PART 2 ang importansya ng valid na hydrostatic test certificate at mga karagdagang tips sa pagpapanatili ng ating kaligtasan sa paggamit ng LPG tank sa bahay.