Home NATIONWIDE Isyu ng dinastiya sa pulitika sinagot ni Villar

Isyu ng dinastiya sa pulitika sinagot ni Villar

MAYNILA — Diretsahang hinarap ni Camille Villar ang isyu ng dinastiya sa kampanya ng “Alyansa Para sa Bagong Pilipinas” sa Cuneta Astrodome, kung saan iginiit niyang dala niya ang 15 taon ng karanasan sa negosyo at public service sa pagtakbo sa Senado sa darating na May 2025 elections.

“Inaabot ko sa inyo ang aking matibay na karanasan sa negosyo at serbisyo publiko. Marami pa akong magagawa para sa bayan,” ani Villar.

Bilang anak nina dating Senate President Manny Villar at Sen. Cynthia Villar, sinabi niyang inspirasyon niya ang mga magulang sa pagseserbisyo sa publiko.

Bilang 40-anyos na millennial at ina ng dalawang anak, binigyang-diin ni Villar ang adbokasiya niya para sa mga kabataan at mga ina. Plano rin niyang itaguyod ang digitalization upang hindi maiwan ang bansa sa pag-usbong ng Artificial Intelligence.

“Tungo sa makabagong solusyon, kailangan ng bagong pananaw para hindi mapag-iwanan ang mga Pilipino,” aniya.

Ipinangako rin ni Villar ang pagsusulong ng mga batas para sa pabahay, kalusugan, edukasyon, at job creation sa pamamagitan ng imprastraktura at turismo.

“Suportahan natin ang mga sektor na lumilikha ng trabaho. Baguhin natin ang luma ngunit patuloy na suliranin tulad ng kawalan ng hanapbuhay at mataas na presyo ng bilihin,” pahayag ni Villar. RNT