BATANGAS, Philippines – Patuloy na hinahanap ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Air Force (PAF) ang 64-anyos na mangingisdang si Joe B. Soriano, na nawawala sa karagatan ng Isla Verde, Batangas mula Agosto 5.
Ayon sa Coast Guard District Southern Tagalog, umalis si Soriano, residente ng Barangay Liponpon sa Isla Verde, sakay ng asul na nonmotorized banca bandang alas-9 ng umaga noong Agosto 5. Mas huli ito kumpara sa dati niyang oras ng pangingisda na alas-7 ng umaga hanggang tanghali. Hindi na siya nakauwi.
Huli siyang nakita na nakasuot ng pulang T-shirt, itim na shorts, itim na tsinelas, at gintong relo. Makikilala rin siya sa kapansin-pansing pamamaga sa kanyang kanang hita na dulot ng dati niyang injury habang nagtatrabaho sa construction.
Nagsagawa ang PAF at PCG ng joint aerial search gamit ang helicopter na may Forward-Looking Infrared (FLIR) system sa karagatan ng Batangas City, Isla Verde, Lobo at San Juan.
Pansamantalang itinigil ang aerial search dahil sa masamang lagay ng panahon, kabilang ang makapal na haze at malalakas na hangin na umaabot sa 30 knots. Ipagpapatuloy ang operasyon kapag bumuti ang panahon.
Samantala, patuloy na nagbibigay ng abiso ang mga tauhan ng Coast Guard Stations Batangas at Marinduque sa mga dumadaang sasakyang-dagat. Hiniling nila na agad iulat ang anumang impormasyon o pagkakakita kay Soriano na makatutulong sa kanyang paghahanap. RNT/MDS