Home METRO Aktibidad ng Taal, muling bumaba

Aktibidad ng Taal, muling bumaba

9
0

BATANGAS, Philippines – Bumaba nang malaki ang seismic activity sa Bulkang Taal sa Batangas nitong nakalipas na 24 oras, matapos ang mataas na bilang ng volcanic earthquakes at tremors nitong mga nakaraang araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Lunes.

Nakapagtala ang Phivolcs ng 7 volcanic earthquakes at 2 volcanic tremor, na tumagal nang tatlo hanggang 642 minuto.

Malaking pagbaba ito kumpara sa nakaraang monitoring period kung saan naitala ang 74 volcanic earthquakes noong Agosto 14 at 64 noong Agosto 15, kasama ang apat na tremors.

Patuloy naman ang pagbuga ng sulfur dioxide (SO₂) ng bulkan. Naitala ang 107 metric tons sa pinakahuling 24-oras na monitoring, na itinuring na mahinang emission. Mas mababa ito kumpara sa 422 metric tons kada araw na naitala mula Agosto 5 hanggang 14.

Wala ring nakitang pag-akyat ng mainit na volcanic fluids sa Main Crater Lake ng Taal Volcano Island o “Pulo,” at walang naobserbahang volcanic smog o vog.

Nanatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal, na nangangahulugang may mababang antas ng volcanic unrest. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here