MANILA, Philippines – Sinabi ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na posibleng bumaba ang popularidad ni Vice President Sara Duterte dahil sa nagpapatuloy niyang impeachment trial sa Senado.
Ayon kay Abante, makikita ito habang patuloy na inilalahad ng prosecution ang mga ebidensya laban kay Duterte.
“Palagay ko nabawasan na ang rating ng ating Vice President dito,” ani Abante.
Lumabas ang pahayag habang ipinapakita ng mga survey na interesado ang publiko na harapin ni Duterte ang impeachment charges at nais nilang ibatay sa ebidensya ang magiging desisyon sa kaso.
Inihayag ni Duterte ang kanyang planong tumakbo bilang pangulo sa 2028 elections noong Pebrero, kasabay ng pagdami ng impeachment complaints laban sa kanya sa House of Representatives.
Kapag napatunayang guilty sa impeachment trial, maaari siyang matanggal sa puwesto at ma-disqualify nang permanente sa paghawak ng anumang public office.
“Naniniwala ako na the Vice President is not as popular as before…Nakikita na ng taumbayan ang nangyayari. And I think that they are deciding, they are actually looking now for evidence,” ani Abante.
Ayon sa isang OCTA Research survey, 55% ng mga Pilipino ang nais na mailahad muna ang lahat ng ebidensya bago magdesisyon ang mga senator-judge kung guilty o not guilty si Duterte.
Sa isa pang OCTA survey, 71% ang naniniwalang dapat ibatay ng Senate impeachment court ang desisyon sa batas at ebidensya. Samantala, 70% naman sa survey ng Social Weather Stations (SWS) ang nagsabing kailangang harapin ni Duterte ang impeachment charges upang malinawan ang mga tanong tungkol sa kanyang pananagutan.
Dahil dito, binigyang-diin ni Abante ang kahalagahan ng maingat na pagsusuri sa mga ebidensya. Nagbabala rin siya sa mga senator-judge na huwag hayaang maapektuhan ng politika ang kanilang paghatol.
“Sa akin, sinasabi ko, sana hindi maging exercise of politics ito. Dapat ito, makita na ng taong-bayan, makita ng impeachment court mismo itong ebidensya.”
“I’m saying, I hope this does not become an exercise of politics. This should be seen by the people, seen by the impeachment court itself as evidence.”
“Huwag sanang magkaroon ng blinders o ng tinatawag nating political cataract ang mga senator-judges tungkol diyan,” dagdag niya.
Para kay Abante, ang impeachment trial ay hindi na tungkol sa pagprotekta sa mga personalidad o political allegiance, kundi sa paghahanap ng katotohanan.
“Ako eh, hindi ko tinatanong kung DDS ka o hindi ka DDS,” ani Abante, na tumutukoy sa “Duterte Diehard Supporters.”
“Pero kinakailangan makita natin, makita ng taumbayan ang katotohanan.”
“This is no longer [about] personality eh. Katotohanan na ito eh (This is already about the truth),” dagdag niya. RNT/MDS