Home METRO 64 flying voters arestado sa Cotabato

64 flying voters arestado sa Cotabato

COTABATO– Laglag sa mga awtoridad ang nasa 64 katao na hinihinalang mga flying voters at nadiskubreng may dalang mga baril at pampasabog habang papasok sa isang polling center sa Barangay Salat, President Roxas, Cotabato, Linggo ng gabi.

Ayon kay PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo, nagtatangkang bumoto ang grupo sa isang lugar kung saan hindi sila residente. Nadiskubre rin ng mga pulis na may dala silang iba’t ibang uri ng armas, kabilang ang M16 rifle, caliber .45 pistol, at mga improvised explosive devices (IED).

Sa report ng pulisya, galing umano ang grupo sa Maguindanao del Sur at iba pang lugar at nagtangkang makapasok sa President Roxas para bumoto, bagay na labag sa batas.

Bukod sa mga armas, nakuha rin sa mga suspek ang ilang campaign paraphernalia, tactical gear, at mga sasakyang walang dokumento.

Pahayag ni PCol. Fajardo, patuloy ang imbestigasyon para matukoy kung sino ang nasa likod ng tangkang dayaan at kung may mga lokal na opisyal na sangkot sa pagpapasok ng flying voters. Mary Anne Sapico