Home NATIONWIDE 671 drayber sinuspinde sa road crash, positibong drug test results – LTO

671 drayber sinuspinde sa road crash, positibong drug test results – LTO

MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang nasa 671 driver’s license sa pagkasangkot ng mga ito sa road crashes at pagpositibo sa illegal na droga.

“This is unprecedented on the part of the LTO, 671 ang na-suspend na driver’s licenses as of today,” pahayag ni LTO chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II sa pulong balitaan nitong Miyerkules, Abril 23.

Sa kabuuang bilang, 547 ang sinuspindeng driver’s license dahil sa mga road crash na nagresulta sa slight physical injuries at may mga nasawi.

Samantala, 97 naman ang sinuspinde dahil sa positibong drug test results.

Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, posibleng mauwi sa pagkansela ng lisensya ang 90-day suspension kapag natapos ang imbestigasyon.

Inisyuhan din ng show cause orders ang mga bus company na sangkot sa insidente.

Nag-isyu rin ang ahensya ng mga show cause order sa may-ari ng 1,165 sasakyan na bigong makapasa sa roadworthiness inspection.

Ani Mendoza, patuloy ang LTO sa pagtugon sa isyu ng illegal na droga sa mga drayber, at ang roadworthiness ng mga sasakyan. RNT/JGC