MANILA — Naka-Code White Alert na ang lahat ng pitong ospital na pag-aari at pinamamahalaan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila bilang paghahanda sa posibleng pagdami ng mga emergency dahil sa patuloy na malakas na pag-ulan.
Iniulat ni Manila OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla kay Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang pagpapatupad ng Code White Alert sa lahat ng city-run hospitals.
Sa ilalim ng Code White Alert, naka-24 oras na standby ang mga medical personnel, emergency response teams at operations centers upang agad na rumesponde sa anumang insidenteng maaaring idulot ng masamang panahon.
Kabilang sa mga ospital na naka-alerto ang Gat Andres Bonifacio Medical Center – District 1; Ospital ng Tondo – District 2; Justice Jose Abad Santos General Hospital – District 3; Mayor Ramon Bagatsing General Hospital, dating Ospital ng Sampaloc – District 4; Ospital ng Maynila Medical Center – District 5; Sta. Ana Hospital – District 6; at President Corazon C. Aquino General Hospital – BASECO
Itinaas ang Code White Alert habang nananatili sa ilalim ng Red Rainfall Warning ng PAGASA ang Metro Manila dahil sa matinding pag-ulan.
Nauna nang iniulat ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD) ang pagbaha sa ilang bahagi ng lungsod.
Dahil dito, nananatili ring naka-high alert ang mga evacuation center, district welfare offices at health centers ng Manila, alinsunod sa direktiba ni Yorme Isko.
Patuloy namang mino-monitor ng city government ang sitwasyon at inihahanda ang mga kinakailangang tauhan at pasilidad upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga emergency habang nagpapatuloy ang malakas na pag-ulan. JAY Reyes