Home METRO 7 tiklo sa P2.1M bato, 2 boga

7 tiklo sa P2.1M bato, 2 boga

LUCENA CITY- Umabot sa P2.1 milyong halaga ng hinihinalang shabu at dalawang baril ang nakumpiska ng mga awtoridad sa pitong suspek na nadakip sa isinagawang drug buy-bust operations noong Sabado sa mga probinsya ng Rizal, Batangas at Cavite.

Sa ipinalabas na report ng Police Region 4A noong Linggo, dalawang umano’y drug traffickers ang nadakip ng mga pulis sa Tanay, Rizal na sina alyas “Wendell” at “Mark”  pawang menor-de-edad.

Nadakip ang dalawa bandang alas-2:35 ng hapon matapos makabili ang pulis ng halagang P5,000 shabu sa Barangay  Plaza Aldea.

Nakuha kina Wendell ang isang plastic sachet at dalawang nakabuhol na plastik na naglalaman ng 200 gramo ng shabu na may halagang P1,360,000 at isang caliber .45 pistol na may limang bala.

Ang mga suspek ay “CICL” o “children in conflict with the law.” Ang CICL ay tumutukoy sa isang bata na pinaghihinalaang, inakusahan, o hinatulan na nakagawa ng isang pagkakasala sa ilalim ng mga batas ng Pilipinas.

Sa bayan naman ng Taytay nahuli ng mga pulis sina “Raz” at “Toto” bandang alas-10:55 ng gabi sa Barangay Dolores.

Nakuha ng mga tauhan ng Taytay police sa dalawang street pushers ang dalawang pakete na naglalaman ng 30 gramo ng shabu na may halagang P204,000 at digital weighing scale.

Kinumpiska na rin ng mga awtoridad ang cellphone ng mga suspek para siyasatin ang mga rekord ng kanilang ilegal na transaksyon.

Nahuli rin ng Baras PNP ang isang “Angko” matapos mabilhan ito ng pakete ng shabu bandang alas-6:45 ng hapon sa Barangay Rizal.

Nakuha din sa suspek ang tatlong pakete ng shabu na may bigat na 25 gramo at nagkakahalaga ng P170,000.

Sinabi pa ng pulisya na ang suspek ay isang high-value individual (HVI) sa kalakalan ng ilegal na droga. Ang HVI ay tumutukoy sa mga financier, trafficker, manufacturer, at importer ng mga ilegal na droga o mga lider/miyembro ng mga grupo ng droga.

Nadakip din ng mga tauhan ng San Pablo City police ang suspek na si alyas Arnold, na isa din HVI,  bandang alas-2:16 ng hapon sa Barangay Sta. Maria.

Nakuha kay Arnold ang tatlong pakete ng shabu na may bigat na 50 gramo at nagkakahalaga ng P340,000.

Samantala, sa Tanza, Cavite nadakip ang isang tulak ng droga na si “Charlie” bandang alas-5:25 ng hapon sa Barangay Bagtas matapos mabilhan ito ng poseur buyer.

Nakuha sa suspek ang tatlong pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P72,148.

Habang kinakapkapan ang suspek nakuha din sa kanya ang walang papeles na caliber .38 pistol na may 5 bala.

Nasa kustodiya ngayon ng pulisya ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng mga kaukulang kaso. Mary Anne Sapico