Home METRO Bangkay ng Slovakian national natagpuang walang panloob

Bangkay ng Slovakian national natagpuang walang panloob

MALAY, AKLAN- Hinihinalang ginahasa saka pinatay ang isang babaeng turistang Slovakian national nang matagpuan walang suot na pang-ibaba ang bangkay nito, noong Miyerkules sa isla ng Boracay ng nasabing bayan.

Kinilala ang biktimang si Michaela Mickova, 23-anyos, Slovakian national at pansamantalang nanunuluyan sa isang hotel sa isla ng Boracay, Malay, Aklan.

Batay sa report ng Malay Municipal Police Station, bandang alas-2:19 ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa abandonadong kapilya sa Zone 3, Sitio Pinaungon, Barangay Balabag, ng nasabing isla.

Kwento ni Johnyl Mariano, 26-anyos, nakakita sa bangkay ng biktima, kaaahon lamang niya sa dagat at itinali niya ang kanyang bangka ilang metro ang layo sa pinangyarihan ng krimen.

Aniya, habang naglalakad siya ay nakaamoy siya ng masangsang na amoy at habang papalapit sa lugar ay bigla na lamang tumambad sa kanyang harapan ang naaagnas na bangkay ng biktima at walang suot na panty at agad niyang ipinaalam sa mga awtoridad ang pangyayari.

Sa pagresponde ng mga pulis sa pinangyarihan ng krimen ay nakitaan na may tama ng bala ng baril sa tiyan ang biktima ng naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Nabatid na dumating sa isla ang biktima noong Marso 1, 2025 para sa kasal ng kaibigan nitong Pinoy subalit noong Marso 10, 2025, nagpaalam siya sa kanyang kaibigan na maglalakad-lakad sa tabing-dagat subalit hindi na ito nakabalik pa sa kanyang hotel na tinutuluyan.

Tiniyak naman ni Police Brig. Gen. Jack Wanky, PRO-6 chief, na madakip ang suspek para managot.

Siniguro rin ni Police Col. Arnel Ramos, hepe ng Aklan police, na ang resort-island ay mananatiling ligtas na destinasyon.

“Nananatiling ligtas at ligtas na destinasyon ng mga turista ang Boracay Island. Kami ay matatag sa aming pangako na panatilihin ang kaligtasan at kaayusan ng publiko, lalo na para sa mga turista,” ani Ramos. Mary Anne Sapico