Home OPINION 70-30 LABAN SA CONGRESSIONAL SEAT SA BATANGAS DISTRICT 1

70-30 LABAN SA CONGRESSIONAL SEAT SA BATANGAS DISTRICT 1

BAGO ang lahat, HAPPY BIRTHDAY muna sa ating butihing boss na si Lions International District 301-A2 Past District Governor and undersecretary BENNY ANTIPORDA na nagdiriwang ng kanyang kaarawan. Pebrero si Boss kaya alam na. O, wag magalit ang mga Pebrero, dahil tulad n’yo, isinilang din ang inyong Pakurot sa buwan ng Feb-ibig.

Ano ba itong nababalitaan natin sa Batangas District 1 na lamang na lamang na itong kandidato sa pagkakongresista subalit hindi masaya ang handler nito dahil ang gusto ay maging solid ang boto ng district 1 ng Batangas sa kanya?

Ayon sa mga chairman ng iba’t ibang barangay, posibleng 70-30 na ang labanan sa pagitan ng incumbent representative na si Congressman Eric Buhain at kalaban nitong si business tycoon at anak ni Senadora Loren Legarda na si Leandro Leviste.

Siyempre, hindi ko sasabihin kung kanino ang 70 porsyento ng boto at kanino ang 30 porsyento. Ang masasabi ko lang ay pawang kampi ang mga chairman ng barangay at maging opisyales ng lokal government sa kandidatong namumudmod ng pera ay mali pala, namimigay ng ayuda.

Aba, sino nga ba ang ikakampanya ng mga opisyales ng barangay sa kanilang nasasakupan kundi iyong kanilang napakikinabangan — iyong kanilang pinagkaperahan sa mga ipinamamahaging ayuda na dumaraan sa kanilang bulsa este opisina?

Nakalulungkot nga na ang ibang nasa panig ng dehado sa ngayong laban ay tuluyang iniwan ng kanyang mga dating kasama sa panunungkulan sa pamahalaan. Sa madaling salita, walang kamag-anak, walang kaibigan at walang dating kasamahan sa pulitika sa 1st District ng Batangas na nasasakupan ang Nasugbu, Lian, Calatagan, Tuy, Balayan, Calaca, Lemery, at Taal.

Basta ang malakas ang hatak sa mga opisyal ng barangay at lokal na pamahalaan ay ang taginting ng salapi.

Pero ang balita nga, ang nakakuha ng 70 porsyento ng boto (syempre hindi sigurado hanggang hindi nairaraos ang halalan) base sa pansariling survey ay hindi masaya dahil ang nais ay landslide. Hindi pa ba landslide ang 70 porsyento? Ah, gusto raw kasi ay 100 percent kasi nga ay napakalaking pera ang kanilang pinakawalan na.

Eh teka nga, sigurado ba sila na napunta sa tamang tao ang kanilang ibinigay na pera? Baka naman ipinagkatiwala nila sa mga cabeza de barangay na ang alam lang na bigyan ng tulong ay ang kanilang mga kaanak at mga alipores. Syempre ganoon din ang ilang mayor.