SUMPA talaga ang droga kahit saang bansa.
Ito’y hindi lang ikinasasakit ng buong katawan at utak kundi ikinamamatay at ikinagugulo ng buong lipunan.
SA MEXICO
Nitong nagdaang araw lamang, sumiklab ang giyera sa estado ng Jalisco sa Mexico.
Nilusob ng mga National Guard ng pamahalaang Mexico ang kuta sa Jalisco ng pinakamakapangyarihang druglord na si El Mencho o Nemecio Cervantes na dating pulis.
Makaraang mahuli ngunit namatay rin habang sakay ng eroplano dahil sa mga grabeng tama ng bala sa katawan, nagwala ang kanyang mga tauhan at kaalyado.
Hayun, 27 National Guard ang minasaker ng grupo ni El Mencho, isang jail guard, isang piskal o prosecutor at isa pa.
Mahigit 30 ring tauhan at kaalyado ni El Mencho ang napatay at may nadamay pang iba.
Sumiklab ang giyerang droga hindi lang sa lugar ni El Mencho kundi sa bawndary na ngayon ng Mexico at United States at Mexico at Guatemala.
Isinara ng mga taong El Mencho ang maraming kalsada at nakipaggiyera sila sa mga awtoridad, kasabay ng pagsunod nila sa mga bangko, tindahan at maraming sasakyan.
Dahil sa gulo, maraming eskwela ang nagsara, kasama ang airport sa lugar.
Matinding producer, exporter at ismagler ng cocaine, fentanyl, shabu, marijuana at iba pang droga ang Jalisco New Generation Cartel ni El Mencho na may patong na $50 milyon sa ulo ng United States, buhay man o patay.
Libo-libo namang Amerikano na consumer ng droga mula Mexico ang namamatay taon-taon, kasama si Michael Jackson, at ang Jalisco gang ang isa sa mga pinakamalaking suplayer ng droga sa Amerika.
Kaya ganuon na lang ang giyera rin ng US sa Mexican drug cartels at nakaugat na rin sa maraming lugar sa US.
Noong una, naging mabait ang babaeng Pangulo ng Mexico na si Claudia Sheinbaum.
Ngunit dahil labis na mapanira ang droga, heto’t pinangungunahan na ni Sheinbaum ang giyera sa droga nang mas mabangis pa kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na naglunsad din ng giyera sa droga sa mahal kong Pinas.
400,000 PATAY SA 20 TAONG GIYERA
Ang totoo, nagsimula pa noong 2006 ang inilunsad na giyera sa droga ng pamahalaang Mexico at mahigit 400,000 na umano ang napapatay sa giyera, kasama ang giyera ng mga drug cartel.
Bilang palatandaan din ng mabangis at madugong giyera, mahigit 50 paring Katoliko na ang pinatay, kasama ang Jesuit priests na sina Javier Campos Morales at Joaquin Cesar Mora Salazar.
Inaasahang lalong darami pa ang mapapatay, kasama ang daan-daan na ring mga lokal na opisyal, lalaki man o babae.
Bigla tuloy natin naalaala si dating Pangulong Digong Duterte.
Aniya, naglunsad siya ng drug war upang hindi maging narco-state ang Pinas gaya ng Mexico ngayon.
Ngunit inuusig siya ngayon sa The Hague, Netherlands sa pagtatanggol sa ‘di mabilang na biktima ng mga druglord, tulak at adik sa Pinas.






