MANILA, Philippines — Isinusulong sa Kamara ang pagpapataw ng 75 porsiyentong excise tax sa mga sasakyang nagkakahalaga ng higit P8 milyon sa ilalim ng panukalang amyendahan ang buwis sa luxury at non-essential goods.
Inihain ni Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo ang House Bill No. 11465 noong Setyembre 23, na naglalayong amyendahan ang Sections 149 at 150 ng National Internal Revenue Code. Nasa pending first reading pa ang panukala, ayon sa opisyal na rekord ng Kamara.
Sa ilalim ng panukala, mananatili sa 50 porsiyento ang ad valorem excise tax sa mga sasakyang nagkakahalaga ng higit P4 milyon hanggang P8 milyon, habang itataas sa 75 porsiyento ang buwis para sa higit P8 milyon. Sa kasalukuyang batas, 50 porsiyento ang excise tax sa lahat ng sasakyang lampas P4 milyon.
Tinatayang makapagdudulot ang pagbabago ng dagdag na P3.91 bilyong kita kada taon para sa gobyerno, ayon kay Quimbo.
Iminumungkahi rin ng HB 11465 na itaas mula 20 porsiyento patungong 25 porsiyento ang excise tax sa non-essential goods at isama rito ang yachts, jet skis, speedboats, sailboats, motorboats, private aircraft, planes, jets at helicopters na ginagamit para sa personal na libangan o sports.
Tatanggalin naman sa listahan ng mga produktong sakop ng naturang tax ang perfumes at toilet waters.
Ayon kay Quimbo, layunin ng panukala na gawing mas progresibo ang tax system sa pamamagitan ng pagpapataw ng mas malaking bahagi ng buwis sa high-value discretionary purchases habang hindi dinaragdagan ang tax burden sa ordinaryong taxpayers. RNT