Home OPINION
2
0

ROCKWELL LAND CORPORATION AT PAG-IBIG FUND NAGSANIB PWERSA SA
ILALIM NG EXPANDED 4PH PROGRAM

LALO pang napalawak ang mga opsyon sa pabahay para sa mga manggagawang Pilipino matapos
opisyal na lumagda sa isang kasunduan ang Rockwell Land Corporation at ang Pag-IBIG Fund. Sa
pamamagitan ng pakikipagtulungang ito, mag-aalok ang kilalang property developer ng mas malawak na
hanay ng mga tirahan, mula sa abot-kayang housing units hanggang sa mga premium residences, gamit
ang abot-kayang financing ng pamahalaan.

Isinagawa ang paglagda sa Memorandum of Understanding (MOU) noong Oktubre 13 sa Lungsod ng
Makati. Pinangunahan ito nina Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta at Rockwell
Land President and Chief Operating Officer Valerie L. Soliven. Dumalo rin bilang mga saksi sina
Department of Human Settlements and Urban Development (DOHUD) Secretary at Pag-IBIG Fund Board
Chairman Jose Ramon P. Aliling, DHSUD Senior Undersecretary Eduardo Robles Jr., at Rockwell
Chairman and CEO Nestor J. Padilla.

Ang nasabing hakbang ay kabilang sa patuloy na pagpapalawak ng Expanded Pambansang Pabahay
para sa Pilipino (Expanded 4PH) Program sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R.
Marcos Jr.

Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon P. Aliling, ang paglahok ng mga kilalang kumpanya tulad ng
Rockwell ay patunay ng lumalagong tiwala ng pribadong sektor sa direksyon ng programa ng
pamahalaan sa pabahay.

“Mas maraming nangungunang developer sa bansa ang sumasali sa ating mga pagsisikap dahil nakikita
nila ang malinaw na direksyon at ang progress sa ilalim ng Expanded 4PH. Kinikilala nila na sa
pakikipagtulungan sa DHSUD at Pag-IBIG Fund, mas matutulungan natin ang mga manggagawang
Pilipino na magkaroon ng de-kalidad na tahanan,” pahayag ni Aliling.

Bagamat kilala ang Rockwell sa mga luxury development, pinalalawak nito ang portfolio upang isama ang
mas abot-kayang pamayanan. Kabilang sa mga accredited na proyekto sa Batangas ang Stonewell
Acacia Homes at Stonewell Mahogany Homes sa Sto. Tomas. Sa Lipa City, pinoproseso na rin ang
akreditasyon para sa Stonewell Molave Homes na may bahay at lupa na nagkakahalaga mula ₱950,000
at ang Terreno South na nag-aalok ng lote mula ₱4 milyon hanggang ₱7 milyon.

Inihahanda rin ang akreditasyon para sa Anahaw Homes sa San Antonio, Quezon (nagsisimula sa ₱2
milyon ang house-and-lot), gayundin ang mga kilalang high-end developments tulad ng The Grove
(Pasig), The Arton (Quezon City), Fordham and Larsen Towers (Muntinlupa), at BenCab (Angeles City,
Pampanga).

Ipinahayag naman ni Rockwell President Valerie L. Soliven ang pasasalamat sa pagkakataong maibahagi
ang "Rockwell experience" sa mas maraming pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng abot-kayang
financing.

Binigyang-diin ni Pag-IBIG Fund CEO Marilene C. Acosta na sa tulong ng loan ceiling na hanggang ₱10
milyon, mas maraming miyembro makakabili ng kanilang pangarap na bahay. Nag-aalok ang Pag-IBIG ng
promotional interest rates na 4.5% para sa pautang na hanggang ₱4.9 milyon, at 5.75% para sa pautang
na higit ₱4.9 milyon hanggang ₱10 milyon (fixed sa unang tatlong taon hanggang Disyembre 31, 2026).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here