Home NATIONWIDE 79 bodega ng NFA nakapadlak pa rin – DA

79 bodega ng NFA nakapadlak pa rin – DA

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Miyerkules, Marso 20, na 79 na bodega na pinamamahalaan ng National Food Authority (NFA) ang nananatiling naka-padlock dahil sa patuloy na imbestigasyon ng Ombudsman hinggil sa umano’y maanomalyang pagbebenta ng bigas sa mga pabor na negosyante.

Sa bilang na ito, 20 warehouses ang nakatakdang magbukas kasunod ng hakbang ng Ombudsman na tanggalin ang suspensiyon sa mahigit 20 NFA personnel. Ang mga bodega na ito ay matatagpuan sa Cagayan Valley, Western Visayas, at National Capital Region (NCR).

Sa isang ulat, sinabi ni Ombudsman Samuel Martires na inalis ang suspension order laban sa 23 NFA personnel matapos makita ng mga imbestigador mula sa kanyang tanggapan ang maling datos sa listahang ibinigay ng DA, na diumano ay galing sa NFA.

Bago ito, inalis na ng Office of the Ombudsman ang suspension order sa ilang empleyado ng NFA.

Sa kabuuan, orihinal na iniutos ng Ombudsman ang 90-araw na preventive suspension laban sa 139 na opisyal at empleyado ng NFA, kabilang ang administrator Roderico Bioco at assistant administrator for operations na si John Robert Hermano, dahil sa kontrobersiya. Nagkabisa ang suspensyon noong Marso 4.

Samantala, tiniyak naman ni Agriculture Assistant Secretary at spokesperson Arnel de Mesa na mananatiling walang hadlang ang pagbili ng palay.

Sa oras ng pag-post, may kabuuang 169 na bodega ang aktibo, habang ang iba pang katulad na mga pasilidad ay inaasahang magbubukas din sa lalong madaling panahon.

“‘Yung utos din ni Secretary doon sa meron pang sarado na mabuksan agad at ma-replace ‘yung mga bodegero na na-suspend. Unhampered ‘yung procurement ngayong panahon ng harvest season,” ani De Mesa. RNT

Previous articleDating NBA star Jeremy Lin suspendido ng 5 laro sa Taiwan
Next articleTulfo napikon sa pulis sa Camilon case, nag-walk out sa Senate probe