Home HOME BANNER STORY 8 inmates sugatan sa kaguluhan sa Manila City Jail

8 inmates sugatan sa kaguluhan sa Manila City Jail

MANILA, Philippines – Walong Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang sugatan sa naganap na kaguluhan sa Manila City Jail ng dalawang gang, Sabado ng hapon, Abril 13.

Sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng Bahala na Gang at Commando Gang alas-2 ng hapon ng Sabado.

Ayon kay BJMP spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Joseph Bustinera, awtomatikong sinususpinde ang dalaw sa mga inmates upang bigyan daan ang imbestigasyon.

Kinumpirma rin ng Manila City Jail na walo ang sugatan sa insidente kabilang ang anim na miyembro ng Commando Gang habang dalawa naman sa panig ng Bahala na Gang na nagtamo ng minor injury.

Sa anim na sugatan sa Commando gang ay kinailangang dalhin sa ospital bagama’t hindi gaanong malubha ang kalagayan.

Ilan din sa mga nasugatan ay mga tinamaan ng bato.

Sa ngayon ay kasalukuyan nang nakapad-lock ang male dormitory dahil sa insidente.

Tinitignan ngayon na dahilan ng kaguluhan ang isinasagawang sportsfest kung saan nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa larong basketball.

Nilinaw din ng BJMP na hindi riot ang nangyaring kaguluhan ng mga inmate sa MCJ.

Katuwang ng BJMP ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Manila Police District (MPD) sa pagbabantay sa male dormitory ng Manila City Jail. Jocelyn Tabangcura-Domenden