Home OPINION 8th SGLG AWARD IGINAWAD SA CALOOCAN

8th SGLG AWARD IGINAWAD SA CALOOCAN

CONGRATS kay Mayor Gonzalo Dale ‘Along’ Malapitan sa panibagong pagkilala na iginagawad ng Department of Interior and Local Government sa kanyang pamunuan.

At siyempre, ‘di makukuha ng lungsod ang 8th Seal of Good Local Governance kundi dahil sa dedikasyon sa trabaho ng bawat opisina at departamento kaya nasungkit muli ang naturang award.

Ika nga ni Mayor Along, ang natanggap na namang SGLG honor ng mga Batang Kankaloo ay bunga nang ipinamalas na united effort ng mga hepe ng departamento, kasama na ang masisipag na kawani ng lungsod.

Napasakamay ng Caloocan ang pang-walong SGLG award na ito matapos mapagtagumpayan ang masusing pagsusuri ng DILG sa iba’t ibang aspeto tulad ng maayos at tapat na pangangalaga at paggastos sa kaban ng bayan.

Ganon din ay nakita ng ahensya ang mabilis at episyenteng proseso ng pagnenegosyo, pangangalaga sa kalikasan, pagiging handa sa kalamidad at pagsusulong ng turismo, pagpapaunlad ng kabataan, proteksyon sa lipunan, kalusugan at edukasyon.

Ipinahayag din ng butihing alkalde ang pasasalamat sa mga kababayan na aniya’y kanyang inspirasyon para lalong pagbutihin ang panglilingkod bilang pinagkakatiwalaan nilang Ama ng lungsod.

Sa walong SGLG na natanggap na, ang Caloocan ay isa sa nangungunang lungsod sa Metro Manila na palaging topnotcher sa kategorya ng pagkilala na ito ng Interior Department.

Ang unang anim na kaparehong awards ay iginagawad ng DILG sa Caloocan sa panahon noon ni Mayor Oscar Malapitan na nahalal 2013 at natapos ang termino noong 2022 – ngayon ay kongresista ng unang distrito.

Ang dalawang huling SGLG honor ay sa administrasyon na ni Mayor Along na nahalal na punong lungsod noong 2022 at nagpapatuloy ang paglilingkod hanggang sa kasalukuyan.

Ang walong prestisyosong awards na ito, kumbaga’y nagsasalarawan sa ‘di matatawarang paglilingkod ng mga Malapitan kaya ‘di nakapagtatakang kahit anong paninira sa kanila ng mga kalaban sa pulitika ay patuloy silang inaakap, sinusuportahan ng mga taga-Caloocan.