NGAYONG paparating ang Pasko, marami ang nakaiisip nang pagkakaperahan at kadalasan ay gamit ang teknolohiya. Sa ibang kahulugan, maraming tao ngayon ang nagtatangkang gumawa ng masama sa kanyang kapwa para lang magkapera.
Tulad ng isang nagpakilalang PSSG Garcia na nagmessage sa mobile phone ng inyong Pakurot at sinabing siya ay nakatalaga sa Camp Crame, Quezon City Police Office.
Sa kanyang napakahabang mensahe sa aking cellular phone, sinabi nitong scammer na may reklamo umano sa kanilang tanggapan kaugnay sa aking negosyo at upang maayos ay tawagan ko kaagad siya sa numerong kanyang gamit para mapapuntahan niya umano ang aking pwesto sa kanyang mga kasamahan.
Kasama sa mensahe nitong nagpakilalang PSSG Garcia na kailangang mabura umano ang mga kaso sa akin na nakasampa sa kanilang opisina. Padadalhan niya raw ako ng subpoena.
Maaaring nakuha lang nitong kolokoy na nagpakilalang pulis ang aking buong pangalan at numero sa kung saan at hindi alam ang aking totoong trabaho.
Unang-una na kaya alam kong manloloko dahil wala namang Camp Crame, Quezon City Police Office na mag-iimbestiga sa anomang kaso na isasampa laban sa akin at sa aking negosyo.
Pangalawa, bakit magpapadala ka ng subpoena sa akin, Judge o fiscal ka ba? Hukom, fiscal at mga katulad nito ang pwedeng magpadala ng subpoena sa isang indibidwal.
Pangatlo, sabi n’ya isu-subpoena ako sa kanilang tanggapan, eh bakit kailangang magpadala ka ng tao sa pwesto ko para mag-inspeksyon sila? Bakit sila mag-iinspeksyon? Hindi kayo naman taga-City Hall para mag-inspeksyon.
Nang ipa-trace ang mobile number na nagmemessage, walang makuhang record dahil hindi naman nakatala ang numero nito. Anong silbi na ng SIM Card Registration Act?
Ang sabi, ang Republic Act No. 11934, kung saan kailangang ipatala ng mga sim card user ang kanilang mobile numbers bago gamitin, ay nilikha upang makatulong na sawatahin ang cybercrime, kasama ang panloloko, pagpapanggap, pagbabanta at cyberbullying.
Pero tila walang kwenta ang batas na ito dahil mas lalong dumami ang mga manloloko at hindi naman kayang sawatahin ng telecommunication companies at maging ng National Telecommunications Commission.
Marami nang naloko ang mga scammer na gumagamit ng cellular phones at karamihan ay nababalewala lang ang kaso. Bakit hindi ito pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas?
Malaki kasi ang nawawala sa mga tao lalo na iyong mga middle class at mahihirap. Sana lang magising na ang mga mambabatas na maraming butas ang kanilang batas.