SAMAR, Philippines – Ligtas ang siyam na construction worker matapos tumaob ang kanilang sinasakyang hindi rehistradong motorboat dahil sa malalakas na alon sa karagatan ng Dolores, Eastern Samar noong Martes ng gabi.
Patungo ang mga manggagawa mula Barangay 1 papuntang Barangay Hilabaan para sa isang proyekto ng breakwater at seawall nang tamaan ng malalaking alon ang bangka at tumaob ito.
Isa sa mga pasahero ang nakalangoy hanggang pampang at agad humingi ng tulong sa Philippine Coast Guard, na nagsagawa ng search and rescue operation.
Pagdating ng mga rescuer, nalaman nilang nailigtas na ang ilan ng dumaraang bangka, at kalaunan ay nakalangoy na rin pabalik sa pampang ang lahat ng siyam na pasahero.
Walang naiulat na nasugatan o namatay sa insidente. Nahila rin pabalik sa pampang ang tumaob na bangka.
Pinaalalahanan ng Coast Guard ang mga operator at pasahero ng bangka na subaybayan ang lagay ng panahon at tiyaking rehistrado at may sapat na safety equipment ang kanilang sasakyang pandagat bago bumiyahe. RNT/MDS