MANILA, Philippines – Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang siyam na dayuhan sa isang entrapment operation sa Pasay City dahil sa umano’y pagkakasangkot sa illegal online gambling.
Ayon sa BI, kabilang sa mga naaresto noong Hulyo 22 ang walong Chinese nationals na nasa huling bahagi ng kanilang 20s hanggang unang bahagi ng 30s at isang 33-anyos na Vietnamese national. Isinagawa ang operasyon sa isang condominium tower sa Sunrise Drive, Barangay 76, Pasay City, matapos makatanggap ng intelligence information mula sa mga awtoridad ng China.
“During the operation, BI operatives encountered nine foreign nationals allegedly engaged in illegal online gambling activities inside the units,” ayon sa BI.
Natuklasan din na isang Chinese national ang overstaying, habang apat na iba pa ang walang rekord ng pagpasok sa bansa, kaya posibleng iligal silang nakapasok sa Pilipinas.
Hindi rin nakapagpakita ang mga naaresto ng kanilang pasaporte at iba pang immigration documents.
“The arrested foreign nationals will be held at the BI Warden Facility, where they will remain while facing deportation proceedings for violating Philippine immigration laws,” dagdag ng BI.
Hindi isinapubliko ng BI ang pagkakakilanlan ng mga naaresto. Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, patuloy nilang hahabulin ang mga dayuhang lumalabag sa immigration laws at sangkot sa mga ilegal na gawain sa bansa. RNT/MDS