PITONG (7) taon matapos maisabatas ang Universal Health Care (UHC) Act noong 2019, patuloy ang
Department of Health (DOH) sa pagpapalawak at pagpapabuti ng mga serbisyong pangkalusugan upang
maging mas abot-kaya, patas, at de-kalidad para sa bawat pamilyang Pilipino.
Pinangunahan ni DOH Secretary Edwin Mercado, PhilHealth Acting PCEO Dr. Beverly Lorraine Ho, at
ULAP Interim President / Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagpapatibay sa koordinasyon mula
health centers hanggang ospital.
Mula sa paunang 58 Universal Health Care – Integration Sites (UHC-IS) noong taong 2020, umakyat na
ito sa 114 sites ngayong 2026 na katumbas ng 95% ng kabuuang bilang ng mga lalawigan, highly
urbanized cities, at independent component cities sa buong bansa.
Pagpapalakas sa mga Lokal na Sistema ng Kalusugan
Sa ilalim ng UHC-IS, itinatatag ng mga lalawigan at lungsod ang kanilang province-wide at city-wide
health systems. Tinitiyak nito ang maayos at organisadong koordinasyon ng mga pasilidad—mula sa mga
barangay health center hanggang sa mga pampublikong ospital. Sa pamamagitan ng sistemang ito, mas
protektado ang mga mamamayan laban sa matitinding gastusing medikal (catastrophic medical
expenses).
Upang mapanatili ang tagumpay na ito, binigyang-diin ng DOH ang mabisang paggamit sa Special
Health Fund (SHF). Ang SHF ay ang pinagsama-samang pondo mula sa pambansa at lokal na
alokasyon na nagpapahintulot sa mga LGU na pondohan ang mga prayoridad na programang
pangkalusugan at maiwasan ang pagkaantala ng mga serbisyo.
"Ang tagumpay ng Universal Health Care ay hindi lamang nasusukat sa bilang ng integration sites o sa
halaga ng pondong naipon sa SHF, kundi sa kung paano mabisang naisasalin ang mga mapagkukunang
ito sa abot-kaya, patas, at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan para sa bawat Pilipino," pahayag ni
DOH Secretary Edwin Mercado. Sa ilalim ng adbokasiyang "UNA sa Pagtutulungan", nanawagan siya
sa mga pambansa at lokal na lider na pag-ibayuhin ang pagtutulungan.
Ligtas, patas, at maaasahang serbisyong medikal para sa bawat Pilipino!
(Abangan bukas sa Part 2: Ang mga hamon sa grassroots level, ang pahayag ng PhilHealth at ULAP, at
ang paggamit ng 82 Provincial Health Profiles sa bansa.)






