NOONG taong 2004 o matapos ang sampung taon ay naamyendahan ng R.A. No. 9257 ang R.A. No. 7432, na nagkaloob ng karagdagang mga probisyon at paglilinaw sa mga angkop na serbisyo:
· Pagkakaloob ng 20% na diskuwento sa funeral and death services sa pagkamatay ng isang nakatatanda.
Kaugnay nito, sa isang makasaysayang desisyon, kinatigan ng Korte Suprema ang petisyon ng OSG o ng Office of the Solicitor General na sumasaklaw sa libingan bilang bahagi ng benepisyong nakapaloob sa R.A. No. 7432.
Pinawalang bisa ng Supreme Court ang naging desisyon noong taong 2018 ng Regional Trial Court sa Cagayan de Oro City na nagsabing hindi kasama ang interment service sa saklaw ng “funeral and burial services” na nakasaad sa batas.
Sa desisyon ng RTC sa inihaing petisyon ng Pryce Corporation, Inc., isang pribadong kompanya na nasa pagbebenta ng memorial services, tanging saklaw ng batas ang kabaong o urn, pag-embalsamo, hospital morgue, at sasakyan na maghahatid sa libingan at hindi ang iba pang mga serbisyo.
Pero sabi ng Kataas-taasang Hukuman, malawak ang sakop ng terminong “burial service” at kabilang dito ang paghuhukay ng libingan, pagsesemento, at iba pang mga gawain na may kinalaman sa huling hantungan ng isang nakatatanda. Hindi anila limitado ang nakapaloob sa batas.
Naniniwala rin ang Korte Suprema na ganito ang nasa kaisipan ng mga mambabatas ng gawin nila ang batas noong taong 1991 at amyendahan ito noong taong 2003 at 2010.
· Pagkakaloob ng libreng diagnostic and laboratory fees sa x-rays, CT scans (computerized tomography scan), at blood tests sa lahat ng pampublikong ospital alinsunod sa guidelines ng Department of Health o DOH at ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH).
· Pagkakaloob ng 20% na diskuwento sa medical and dental services, diagnostic and laboratory fees, CT scans, blood tests, at maging sa professional fees ng mga doctor sa mga pribadong ospital o klinika.
· Pagkakaloob ng 20% na diskuwento sa pamasahe sa domestikong paglalakbay gamit ang eroplano o barko ng isang nakatatanda.
· Pagkakaloob ng 20% na diskuwento sa pamasahe sa tren at bus, at paggamit ng skyway.
· Pagkakaloob ng educational assistance sa kwalipikadong nakatatanda na nais na magpatuloy ng pag-aaral sa post secondary, tertiary, posy tertiary, at maging vocational o technical education sa pampubliko man o pribadong paaralan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga scholarship, educational grants, financial aid, subsidies, at iba pang mga insentibo kabilang ang suporta sa libro, learning materials, at uniform allowance.
· Pagkakaroon ng express lane para sa mga nakatatanda sa lahat ng pampubliko at pribadong tanggapan o pagbibigay prayoridad sa kanila.
· Pagbibigay pagkakataon sa mga nakatatanda na may kakayahan at pagnanais na magtrabaho na magkaroon ng hanapbuhay na alinsunod sa umiiral na Labor Code of the Philippines.
· Pag-aatas sa Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), Technology and Livelihood Resource Center (TLRC), Department of Education (DEPED), Commission on Higher Education (CHED), Technical Educational and Skills Development Authority (TESDA), DOH, Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Transportation (DOTr) na mag-disenyo at magpatupad ng mga programa na para sa benepisyo ng mga nakatatanda na ukol sa hanapbuhay, edukasyon, kalusugan, social services, at pampublikong transportasyon.
· Pag-aatas sa pambansang pamahalaan para sa pagkakaroon ng programang pabahay na angkop sa pangangailangan ng mga nakatatanda.






