Home OPINION KALINISAN SA MAYNILA, TINUTUTUKAN NG LGU

KALINISAN SA MAYNILA, TINUTUTUKAN NG LGU

138
0

KUDOS kay Manila Department of Public Service head Ms. Kyle Nicole Amurao at sa kanyang mga tauhan dahil sa pagpapanatiling malinis ang mga lansangan partikular sa mga malalapit sa mga pampublikong pamilihan.

Madaling araw pa lang ay makikita na ang mga taga-DPS na nililinis ang mga naiwang kalat ng vendors ng night market sa Divisoria sa kahabaan ng C.M. Recto kaya pagputok ng araw, malinis na ang lugar at maayos na nadaraanan ng mga sasakyan.

Maging sa area ng Blumentritt sa Sta Cruz, masipag din ang street sweepers ng DPS at personal ko silang nakikita na matiyagang winawalisan ang lansangan, kahit sa panahong malakas ang buhos ng ulan, suot ang manipis na kapote.

Ngayong tag-araw, pinagtutuunan naman ng Estero Rangers ng DPS ang paglilinis ng mga estero, kanal, at iba pang daluyan ng tubig upang sa pagdating ng tag-ulan, malayang makaaagos ang tubig para hindi bahain ang mga lansangan.

Ang isa pa, nagpapaunlak din ng request ang tanggapan ni Ms. Amurao, kung may nais ipahakot na mga debris o tambak ng inaanay ng mga kahoy na hindi na kayang ipahakot sa trak ng walang bayad pero siyempre, kumporme na rin sa kusang-loob na pameryenda ng magpapahakot.

Ang hindi lang natin alam ay kung sakop pa rin ng mandato ng DPS o baka ng Manila Traffic and Parking Bureau na hakutin ang mga pribadong gamit ng ilang establisimento na nasa mismong bangketa na ginagawa nilang ‘extension’ ng kanilang negosyo.

Dito lang sa kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue, sa pagitan ng Bambang at Tayuman Streets, ang laki nga ng bangketa pero sa kalsada naglalakad ang mga pedestrian dahil kundi ginamit na parking ng mga sasakyan, ginamit naman bilang extension ng kanilang negosyo.

Hindi nga lang pala bangketa ang ginagamit na extension ng negosyo dahil dito naman sa maliit na plaza sa may Binondo, ilang metro lang ang layo sa likuran ng Binondominium I sa halos kanto na ng C.M. Recto, nilagyan ba naman ng mga mesa ng iligal na sugal na drop ball at numbers game na dinadagsa ng mga kabataan.

Sa halip na magamit ang plaza bilang pahingahan, laruan ng mga bata, at lugar na pwedeng mag-exercise ang mga senior citizen, inokupa ito ng mga mesa ng iligal na sugal na ang operasyon ay hanggang madaling araw.

Dito sa ganitong mga perhuwisyo sa bangketa at plaza siguro dapat ipamalas din ng alinmang departamento ng lokal na pamahalaan at pulisya ang kasipagan para na rin sa kapakanan ng nakararami.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here