SA ikot ng mundo, ang kalinisan ay napakahalaga dahil sa ‘role’ nitong ginagampanan sa galaw ng ara- araw na buhay na may kinalaman sa estado ng kapaligiran.
Apektado, hindi lang ang kalusugan ng bawa’t nilalang – tao man ito o hayop, ganoon din ang mga puno’t halaman kapag marumi, ‘polluted’ ang paligid ng isang lugar o komunidad.
Ang kalinisan ay pinagsisikapan ng gobyerno, katuwang ang mga local government unit na mapanatili ito sa kanilang mga nasasakupan dahil sa importanteng ganap nito sa laban ng buhay.
Kaya nga may Department of Environment and Natural Resources na ang pangunahing trabaho ay pangangalaga ng kapaligiran.
Para masiguro ang ‘nationwide cleanliness’, ang DENR ay may counterpart sa mga LGU bilang katulong sa pagsasakatuparan ng mga itinakdang alituntunin para makamit ang kalinisan.
May iba’t ibang programa na pinapatupad din ang DENR na nagsisilbing gabay ng mga provincial, city at town management environmental office o department tulad ng ‘Taga-Ilog’ Project na ang adhikain ay paglilinis at pag-aalaga sa mga estero.
Dahil sa ipinamalas na galing sa paglilinis at pagpapabuti ng” Estero de Maypajo” ay hinirang ng DENR na “champion” ang Caloocan, bida sa 4th gawad ‘Taga-Ilog’ event na ginanap kamakailan.
Kinilala ang Caloocan bilang Kampeon sa pamamahala ng ‘Informal Settler Families’ at ‘Illegal Structure’ para sa mga programang layunin ay panatilihing malinis ang mga estoro mula sa basura at sagabal habang binibigyang halaga rin ang tamang paglilipat ng informal settlers na naninirahan sa paligid ng lugar.
Dahil dito ay pinuri ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang City Environmental Management Department at Housing and Resettlement Office na naging susi sa pagpapabuti ng Estero de Maypajo.
Kinilala rin ng alkalde ang mga programang ipinatupad sa lungsod at tiniyak na itataguyod ang pangkalahatan at pangmatagalang solusyon sa mga sumusulpot na problema.
Kung malinis at hindi nababarahan ang mga estero at kanal, magiging maayos at malinis din ito sa ibang mga lugar at maiiwasan din ang mabilisang pagbaha, pahayag ni Mayor Along.
Kaya naman, naalala rin ninyo, kinilala ang ating lungsod dahil sa pagtulong natin sa pangangalaga ng Manila Bay at sa pagkakaroon ng mahusay na emergency response,” paliwanag pa ng alkalde.
Salute sa lideratong Malapitan sa dagdag pagkilala na naman na ito sa lungsod ng Caloocan.






