Home OPINION PAGSUSULONG NG CALOOCAN POLICE DISTRICT MAPUPURNADA

PAGSUSULONG NG CALOOCAN POLICE DISTRICT MAPUPURNADA

MATAGAL na rin namang isinusulong ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan na maging hiwalay na distrito ng pulisya tulad ng Quezon City at Maynila pero bakit kaya hindi pa ito napagtatagumpayan?

Kung ang pagbabatayan kasi ay lawak ng nasasakupang lugar, swak ang Caloocan dahil batay sa datos, may kabuuang 5,333.40 ektarya ang lawak na sakop ng lungsod na nahati sa dalawang geographical location at ito ay ang South at North Caloocan.

Narito rin sa Caloocan ang itinuturing na pinakamalaking barangay sa buong Pilipinas, ang Barangay 176 Bagong Silang bagama’t kamakailan ay nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang paghahati nito sa anim na barangay.

Pero hindi pa ito pinal dahil kailangan pa ring sumang-ayon ang mayorya ng mamamayan ng naturang barangay sa gagawing plebisito na itatakda ng Commission on Elections. Sa dami naman ng populasyon, swak na swak din ang naturang lungsod bilang hiwalay na distrito dahil batay sa 2020 census ng Philippine Statistic Authority  umaabot na sa halos 1.7 milyon ang mga naninirahan dito.

Eh bakit nga ba hindi pa maaprubahan ang pagsosolo bilang distrito ng Caloocan? Sabi ng mga marites at mga matabil o daldalero sa lungsod, nasa pamumuno raw yata ang problema kung bakit hindi maitulad sa Maynila at Quezon City ang Caloocan. Pero ‘di ba sabi ng marami ay parehong kilala naman ang mag-amang  Representative Oscar at Mayor Along Malapitan na mga magagaling na opisyal na kasalukuyang nammuuno sa lungsod kaya suportado sila ng nakararaming botante.

Tanong ng mga satsatero at satsatera, naipagkakaloob daw ba ng mga opisyal ng Lungsod ng Caloocan ang mga dagdag na benepisyo na dapat matamasa ng mamamayan o sadyang mabagal lang ang dating ng biyaya sa kanila? Kung ikukumpara raw kasi ang mabilis na pag-unlad ng Valenzuela City na hindi hamak na mas maliit ang geographical area kumpara sa Caloocan, mapaiisip ka talaga kung nasaan talaga ang problema.

Ibang-iba na kasi ngayon ang lungsod ng magkakapatid na Win, Rex, at Wes Gatchalian na dati ay karugtong lang ng lalawigan ng Bulacan. Huwag na lang nating ikumpara ang Caloocan sa Taguig City dahil alam naman natin na may Bonifacio Global City sa siyudad ni Mayor Lanie Cayetano kaya kahit pa nga dati itong probinsiya at hindi akalaing mas uunlad pa sa Caloocan, ngayon ay kalaban na ito ng Makati at Quezon Cities sa laki at bilis ng pag-unlad.

Ano nga kaya ang dahilan at bakit parang kulang yata ang benepisyong tinatanggap ng mamamayan sa Caloocan? Natatandaan ko nga noong bago magpandemya, pinapayagan ng lokal na pamahalaan ang iligal na sugal na sakla sa burol ng patay para daw tulong pampalibing sa namamatayan. Eh bakit daw sa Valenzuela at Navotas, hindi nila pinayagan ang saklang patay dahil noon pa man ay may ibinibigay na tulong ang lokal na pamahalaan para pampalibing sa mga maralitang pamilyang namamatayan.