NASA P8.9 bilyon ba o P23 bilyon? Napakadali lang ng naging desisyon ni Senate President Chiz Escudero na suspendihin ang konstruksiyon ng bagong Senate building. Unang pinondohan ng P8.9 bilyon, natuklasan niyang ang budget sa proyekto ay lumobo na sa nakakalulang P23 bilyon.
Ang nakagugulat na paglobo ng halagang ito, sa gitna ng pambansang krisis sa ekonomiya, ay tunay namang nakaeeskandalo. Hindi masisisi ang bagong Senate President sa matapang niyang paninindigan para sa responsableng paggastos.
Ipinahinto niya ang proyekto, hiniling ang isang deyalyadong pagsusuri sa mga ginastos, at nabunyag ang ilang pagbabago na nakaapekto sa kalidad ng proyekto. Sa pagpapatigil nang paggastos, siniguro ni Escudero na hindi mawawaldas ang buwis ng mamamayan sa mga opisinang gold-plated habang pahirapan para sa mga Pilipino ang pagbili ng isang kilo ng bigas.
‘Spy’ sa Camp Crame
Ang paggala ng isang dayuhan sa mga kalsada ng ibang bansa habang may nakasukbit na baril sa kanyang beywang ay gawain ng matapang, pero ang pagbibitbit ng hinihinalang hacking equipment ay sobrang nakaaalarma.
Eksaktong dalawang linggo na ngayon ang nakalipas nang maaresto ang Chinese na si Yuhang Liu sa Makati City at nailipat siya kaagad sa piitan ng Philippine National Police Headquarters sa Camp Crame, Quezon City.
Sa pagdakip sa kanya, nadiskubre ang potensiyal na banta ng paniniktik sa loob mismo ng ating bakuran. Armado ng mga baril at ng sopistikadong electronic gear sa kanyang bahay at sasakyan, ang lakas ng loob ni Liu ay nagdulot ng mga katanungan tungkol sa ating pambansang seguridad.
Ano ang binabalak niya? Bakit mayroon siyang mga gamit na kayang mag-intercept sa mga komunikasyon? Nakasamsam ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ng mga multi-band antennas, drones, at hacking devices mula sa kanya. Nakababahala ang mga implikasyon nito.
Mag-isa lang ba siya o bahagi siya ng isang malawakang plano? Karaniwang ang pagkakakumpiska ng mga nasabing gamit mula sa isang kaduda-dudang tao ay mangangahulugan ng intensiyong gumawa ng krimen. Lalo na, sa panahon ngayon na pinaigting ng Beijing ang pag-atake sa mga barko ng mga Pilipinong pumapalaot sa mga teritoryo natin sa bahagi ng South China Sea, ang mga natuklasan tungkol kay Liu ay tumutuon sa pag-eespiya.
Ginger deal
Pataas ang presyo ng luya sa nakalipas na dalawang linggo, isa na namang panibagong kabanata sa usapin ng taas-presyo ng bilhin.
Ang nangyayari, lagi na lang nasosorpresa ang Department of Agriculture kapag sumisirit ang presyo ng mga pangunahing gamit natin sa pagluluto. Hindi katanggap-tanggap ang biglaang paglobo ng presyo, na mula P220 ay naging P320 kada kilo na ngayon.
Ikinatwiran ng DA ang tungkol sa pagtaas ng demand at pagkaunti ng supply, pero bakit hindi ito kumikilos upang maibaba ang presyo bago pa lumala ang problema?
Malinaw namang hindi umuubra ang mekanismo nito — lalo na sa pagpaparami ng produksiyon at pag-iimbak ng supplies. Ang nakakatawa lang, tuwing nangyayari ang ganito, ang imported na luya lagi, kung hindi man lagi, ay nagbabagsak-presyo. Nangangamoy sabwatan, ano po?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






