Home OPINION MAGTALAGA NG SAFETY OFFICER PARA IWAS MULTA  

MAGTALAGA NG SAFETY OFFICER PARA IWAS MULTA  

KABILANG sa pagpapaigting ng batas sa occupational safety and health ang pagkakaroon ng safety officer o SO sa bawat establisimyento. May multang P40K kada-araw ang maaaring ipataw ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa sinomang kompanyang susuway.

Sa talaan ng International Labor Organization, alam n’yo bang may average na 2.3 M katao kada taon sa buong mundo ang namamatay dahil sa work-related accidents at illnesses? Kung susuriin natin ang statistics, aabot sa 6K katao ang nasasawi kada araw.

Ayon sa batas, para masigurong tumatalima at naipatutupad ang requirement na OSH program, kailangang kumuha o mag-designate ng safety officer ang bawat establisimyento.

Maliban sa pagkakaroon ng accredited OSH practitioner at consultant na tanging labor department lamang ang nagkakaloob, may apat pang kategorya para ma-qualify bilang SO ng kompanya.

SO1 ang tawag sa mga nakatapos ng DOLE-prescribed course na 10-Hr basic OSH course for SO1. Mas angkop ito para sa mga micro, small and medium enterprise (MSME) at low risk establishment na kakaunti lamang ang empleyado. May magkahiwalay na 40-Hr prescribed courses para sa general at construction industry naman ang kailangang tapusin ng mga gustong maging SO2. Hindi kailangan ang experience sa qualification ng SO1 at SO2.

Sa kaso ng SO3, kailangang may 2 taon na experience bilang safety officer at dagdag na 48 hours advanced o specialized safety training course maliban sa natapos na 40-Hr prescribed courses na kinukuha rin ng isang SO2.

Mas mabigat naman ang requirement para maging SO4. Kailangang may 4 year SO3 experience ang aplikante. Maliban sa nakuha niyang 40-Hr prescribed course, kailangan niyang tapusin ang 80 hours advanced o specialized safety training courses at 320 hours na sama-samang related training at experience.

Kinakailangan lamang na isumite ng bawat aplikante ang kopya at orihinal na training certificates, certificate of employment at iba pang mahahalagang dokumento sa human resource department ng kompanya para maibigay ang official appointment kung sakaling makapasa sa evaluation. Kailangan ding maging maingat sa pagtatalaga dahil maaari silang magmulta kung sakaling nagkaroon ng butas sa pagpili ng safety officer.

Basahin ang department order 198-18 Chapter 4, Section 14 at labor advisory 04-19 ng DOLE para sa kumpletong detalye.