NASA Php 35.00 na umento sa sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor ang sinang-ayunan ng RTWPB o Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa National Capital Region.
Alinsunod sa inilabas na Wage Order No. NCR-25 na may petsang June 28, 2024, magiging Php 645.00 ang minimum wage ng mga nagtatrabaho sa non-agriculture sector habang nasa Php 608.00 naman sa mga nasa agriculture sector. Ang pinakahuling minimum wage ay Php 610.00 at Php 573.00.
Ang umento sa sweldo ay kaagad na inaprubahan ng NWPC o National Wages and Productivity Commission at pinayagan ang publikasyon nitong July 1, 2024 at magiging epektibo sa July 17, 2024 o labinglimang araw matapos ang paglathala at pag-abiso.
Ang karagdagang sweldo ay na determina alinsunod sa mga criteria na nakapaloob sa Republic Act No. 6727 o ang Wage Rationalization Act, kinunsidera rin ang tatlong petisyon natanggap ng RTWPB.
Nagsagawa rin ang board na binubuo ng mga kinatawan ng pamahalaan, private employers, at labor sectors ng konsultasyon noong May 23, 2024 at June 4, 2024, at nagkaroon din ng public hearing noong June 20, 2024.
Lalaki ng 5.7 porsyento ang minimum wage ng mga nasa NCR na lagpas na sa poverty threshold na itinakda ng pamahalaan.
Inaasahang direktang makikinabang dito ang 988,243 minimum wage earners sa Metro Manila gayundin ang nasa 1.7 million full-time wage earners at mga manggagawa na tumatanggap ng mas mataas sa minimum na sweldo dahil sa mangyayaring adjustment.
Paalala ng NWPC, alinsunod sa umiiral na regulasyon, ang mga retail/service establishments na hindi lalagpas sa sampu ang mga manggagawa ay maaaring magsumite ng aplikasyon para sa “exemption” mula sa RTWPB maging ang mga negosyo na naapektuhan ng kalamidad o kaya ay human-induced disasters katulad ng arson.
Ang BMBEs o Barangay Micro Business Enterprises ay hindi saklaw ng minimum wage law alinsunod sa R.A. No. 9178.
Ang huling pagtataas sa minimum wage ay naging epektibo noong July 16, 2023 dahil sa mataas na inflation ng mga pangunahing bilihin.






