PAANO kaya mapigilan nang husto ang paggamit ng mga Subscriber Identity/Identification Module o SIM card sa mga pandurugas at iba pang iligal o kriminal na gawain?
Nagtatanong tayo, mga Bro, dahil ipinapalagay na ligal ang lahat ng SIM card na gamit ngayon para sa mga mobile communication device lalo’t sinasabi ng gobyerno na kanselado at hindi magagamit ang mga hindi rehistrado.
Nakapaloob ang pagrerehistro at pagbabawal sa hindi rehistradong SIM card sa Republic Act No. 11934.
Iniuutos ng batas ang sapilitang rehistro ng mga SIM card na post paid o prepaid at hindi pagkakaroon ng linya ng telepono sa mga hindi rehistrado.
Sabi ng gobyerno, sa pag-iral ng batas na ito, mawawala o makokontrol o mababawasan na nang malaki ang mga sari-saring iskam o krimen sa salapi, pornograpiya, libelo, paninira, hacking, phising, masamang deepfaking, pagparalisa sa pamahalaan at iba pa gamit ang mga mobile device gaya ng mga cellphone, tablet at iba pa.
Kapag rehistrado at napangalanan nga naman ang may sim card at gumawa ng iskam o kalokohan, matutukoy agad ito at hindi makaliligtas sa mga kaukulang kasong maisasampa laban sa kaniya na may parusang pagkabilanggo, pagsasauli ng mga nakaw, multa, tanggal lisensya, pribilehiyo at iba pa.
Perwisyo at buwis-buhay at kalayaan nga naman ang paggawa ng iligal at krimen gamit ang SIM card.
PROBLEMA SA REHISTRO
Ayon mismo sa Department of Information and Communications Techonology at National Telecommunications Commission, may 168 milyong subscriber sa SIM card at mahigit kalahati o 114M lang dito ang rehistrado.
Iniisyu ang SIM card ng mga kompanya ng telepono na kinabibilangan ng Globe, Smart at Dito.
Ulit, patakaran na kapag hindi rehistrado ang SIM card, hindi ito magagamit at maksimum na 10 SIM card lang ang dapat na marehistro ng isang tao.
Pero kahit istrikto ang batas dito, may mga nang-iiskam pa rin kahit mismo sa rehistro na kaiba sa mga pang-iiskam gamit ang mga SIM card.
Halimbawa, may natagpuang iisang tao ang rehistrado para sa 600 na SIM card at may nakapagrehistro na piktyur ng unggoy ang gamit.
May mga nakalulusot sa pagkakaroon ng iligal na SIM card kaya hindi mapigilan ang paggamit ng mga ito para sa paggawa ng mga iligal at krimen.
Sinisisi ngayon ang NTC sa kapabayaan sa pagpapatupad ng batas sa pagrerehistro.
Pero hindi kaya dapat silipin din ang mga negosyante na gumagawa at nagtitinda ng SIM card na gustong makarami ng benta para kumita kahit sa kaduda-dudang paraan?
Alalahaning malaking negosyo ang SIM card.
LIBO-LIBO GAMIT SA KAILIGALAN
Nagkakabukingan ngayon na libo-libong SIM card ang gamit
sa mga nire-raid na Philippine Offshore Gaming Operators.
Pwera pa, mga Bro, ang gamit ng mga scammer sa labas ng mga POGO.
Paano kung ligal at nakarehistro ang mga SIM card na ito?
Tiyak namang disgrasya ito sa mga biktima ng mga pandurugas at krimen gamit ang mga ligal at iligal na SIM card.
Paano nga kaya linisin ng pamahalaan ang sistemang SIM card para mapigilan ang mga pandaraya at krimen sa napakaraming tao at sa pamahalaan?






