IPINANGANAK at bininyagan akong Katoliko at sa katunayan ay si Rev. Fr. Dominador Medina ang paring nagbinyag sa akin noong Mayo 1980.
Sa aking paglaki ay naging bukas ang aking isipan sa iba’t-ibang paniniwala o pananampalatayang kristyano sa labas ng Simbahang Katoliko, kung saan marami akong natutunan tungkol sa mga Salita ng Diyos at pananampalatayang Kristiyano.
Nagkaroon ako ng maraming kaibigan sa labas ng Simbahang Katoliko at nabatid kong pagtawag iyon ng Banal na Espiritu bilang pakikiisa sa ngalan ng Ekumenismo.
Noong 2017, inaanyayahan ako ng Inang Simbahan na makaganap sa palabas kapag Mahal na Araw bilang isa sa 12 Apostoles na naging daan sa suno-sunod na pagkuha sa akin sa mga sumunod na taon maliban noong kasagsagan ng pandemya.
Inaanyayahan rin ako sa iba’t-ibang samahan o organisasyong pansimbahan na nagturo sa akin na mapalalim pa ang aking kaalaman sa pananampalatayang Katolikong Kristiyano base sa Salita ng Diyos gaya ng Neo Catechumenate, El Shaddai, Cofradia at Knights of Columbus. Nang tinawag ako ng Banal na Espiritu na pumasok sa dalawang buwan na formation ng pagiging lingkod bilang Lay Minister o Laiko Ministro ng Saint Gregory the Great Parish sa Indang, Cavite.
Na-install ako at mga kasama noong Hunyo 30, 2024 sa ala-5 ng hapong Banal na Misa ni Rev Fr. Marty Dimaranan. Sa kalagitnaan ng kaganapan ay nangako kami sa Diyos at nanumpa sa harap ng altar kung saan saksi sambayanan na kami ay maglilingkod sa Diyos, sa simbahan at sa sambayanan.
Pagkakataon na rin ito para magsimula sa pagbabagong-buhay ang gaya ng pagtanggi, pag-iwas at paglayo sa tukso ng kasalanan (hindi man biglaan ay kahit paunti-unti) hanggang sa makaya sa gabay at tulong ng Banal na Espiritu. Laging manalangin, magbasa ng Salita ng Diyos, makadalo sa mga Banal na Misa at iba pang pagdiriwang at isabuhay ang aral ng mga Salita ng Diyos.
Samantala, sa mga kapwa tao na aking nasaktan, nakasamaan ng loob at naging kasama sa kalokohan, kamunduhan at kasalanan, ako ay taos-pusong nagpapakumbaba sa inyo at humihingi ng tawad, paumanhin, pasensya. Idadalangin ko kayo sa Panginoong Diyos Ama sa langit.
Hiling ko rin naman sa inyong lahat na ako ay patuloy na ipanalangin sa kanya upang magampanan ko ng may kababaang-loob at kabanalan ang pagiging Lay Minister kung saan sa mga susunod na panahon ay makakasama ko na kayo sa inyong mga Barangay Chapel upang maihatid ang Mabuting Balita ng Kaligtasan ng ating Panginoong Hesu-Kristo.
Tao lamang ako , hindi ako perpekto, nagkakamali at nagkakasala pa rin ako. Hwag sana ninyong bantayan ang aking pagkakamali at pagkakasala sa halip ay tingnan at maging inspirasyon ninyo ang aking pananampalataya sa Diyos.
Maraming salamat sa mga gumabay at tumulong sa akin para maging ganap akong Lay Minister, sa lahat ng naging Katekista at nagturo sa amin hindi ko na kayo iisa-isahin, ganoon din kay Nanay Luzviminda Mojica Bago na nanay-nanayan ko sa Inang Simbahan, sa mga Laiko na sina Kuya Mhel, Kuya Marlo, Kuya Memen at Kuya Rannie na mga Layko, sa mga ninang-ninangan ko na sina Bise Mayora Arlynn A. Torres ng Noveleta at Former Cavite City ABC Apple Paredes at ganoon din salamat sa mabait niyang anak na si Dior Dino Paredes Chua Jr.
Kasihan nawa ako ng Banal na Espiritu. Maraming salamat. Sa Diyos ang kapurihan. Sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen.






