HINDI pa tapos ang pagbusisi ng Senate Committee on Accounts na pinamumunuan ni Sen. Alan Peter Cayetano hinggil sa lumobong budget sa pagpapatayo ng bagong gusali ng Senado dahil marami pang mga katanungan na dapat mabigyan ng kasagutan.
Hindi naman talaga maikakaila na halos dumoble na ang presyo ng mga materyales sa pagpapagawa ng isang konkretong gusali kumpara sa unang halagang inilaan dito pero kapansin-pansin ang natuklasan sa pagdinig noong Hulyo 3, 2024 hinggil sa inilaang P600 milyong piso para lamang sa landscaping.
Ano-ano kayang klase ng halaman, puno, bulaklak at iba pang pananim ang ilalagay sa bagong gusali para sa landscaping at kinailangan ng ganito kalaking halaga? Ang napakalaking halaga ng landscaping na ito ay pinayagan sa panunungkulan ni Senator Nancy Binay bilang tagapangulo noon ng komite kaya talagang iinit ang usapin lal0 na kapag may iba pang matutuklasan na sobra-sobrang paglalaan ng pondo.
Nakalulula naman kasi talaga ang presyo ng hardin lalo na’t hindi pa rin naipaliliwanag ni Binay kung bakit pinayagan ang ganito kagarbong landscaping na hindi malayong punahin lalo na’t dumarami ang bilang ng mga pamilyang naghihirap sa napakataas na halaga ngayon ng bilihin.
Kung tutuusin, wala namang intensiyon si Cayetano na maghanap nang masisisi sa nangyaring paglobo ng pondo sa itinatayong gusali kundi nais lamang ng komite na magkaroon ng transparency at accountability sa ganitong mga dambuhalang proyekto upang maging hudyat nang pagbabago tungo sa mas mabuting pangangasiwa at pananagutan.
Binigyang-diin ng senador mula sa Taguig ang pangangailangan para sa bawat piso na nagmula sa pera ng bayan na maingat na ginagastos at makatwiran dahil ang ganitong uri ng pamumuno ang gustong makita ng publiko, ‘yun bang malinaw, prangka, may pananagutan.
Kung tutuusin nga, magsisilbing wake-up call ang mga ganitong natutuklasan sa pagdinig upang ang lahat ng mga proyekto ng gobyerno ay mapaglaanan ng wastong pondo at hindi sobra-sobra. Ang mga pagsisikap ng Committee on Accounts na ipaliwanag ang mga isyung ito ay nakatuon sa pagtiyak na ang Senado ay gumagana nang may integridad at maingat.
Habang nagpapatuloy ang pagsusuri, malinaw na ang bagong pamunuan ng Senado ay nagtatakda ng bagong pamantayan kung paano pinamamahalaan ang mga pondo nito lalo na ang pagtutok sa transparency at pananagutan na magbibigay pag-asa sa tamang landas na tatahakin.






