DAHIL sa hindi inaasahang pangyayari, Sabado ng umaga pa lang ay umuwi na kami ng Balayan. Hanggang ngayon, nasa Balayan, Batangas pa rin ang inyong PAKUROT.
Nagkataon naman na hindi ko nabayaran ang Philippine Long District Telephone o PLDT bill ko kaya naputol noong Lunes ng bandang alas-8 ng umaga kaya aligaga ang inyong lingkod na magbayad kaagad gamit ang Gcash bandang alas-10:30 ng umaga rin.
Matapos magbayad, nagpadala ng mensahe ang PLDT na kanilang natanggap ang payment at kaagad na ibabalik muli ang kanilang serbisyo.
Subalit hanggang ngayon, hindi pa rin naibabalik ng PLDT ang kanilang serbisyo sa hindi malamang dahilan. Dahil dito, hindi ko mamonitor ang aking bahay at paligid nito sa pamamagitan ng CCTV na gumagana gamit ang internet o wi-fi. Sa madaling salita, nag-aalala ako kung ano na ba ang nangyayari sa aming lugar.
Paano kung napasok na pala ng masasamang loob ang aking bahay, eh di pagbalik ko na lang matutuklasan? Pagbalik ko na lang ako magngangangawa na may nakapasok sa aking bahay?
Ang lupit naman nitong PLDT! Hindi pa rin naibabalik ang serbisyo gayong nabayaran na naman sila. At take note, advance payment naman ang kinokolekta nila kaya dapat ay maganda ang kanilang ibinibigay na serbisyo. Kung advance ang payment dapat advance din ang serbisyo.
Noong pa man, marami na ang madalas na magreklamo sa PLDT sapagkat mahina ang internet service nito bukod pa sa madalas na may issue sa ilang lugar na hindi makagamit ng kanilang wi-fi dahil kesyo may ginagawang pag-a-upgrade sa kanilang system. Maraming palusot kumbaga. Ilang araw na walang serbisyo pero kapag singilan at putulan ang issue, ang bilis nila.
Kawawa naman ang kanilang kliyente. Dapat naman, humakbang ang ahensiyang concern sa usapin ng serbisyo sa komunikasyon.
Noong nakaraang dalawang linggo nga pala, napakahina ng serbisyo ng internet, tapos naghahangad tayo na umangat ang estado ng bansa sa usapin ng internet connection sa Asya. Ano kaya ‘yun?






