MATAPOS mabigo sa pampanguluhang halalan, nagpahayag noon si dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na magpapahinga muna siya sa mundo ng pulitika para bigyang oras naman ang sarili sa piling ng kanyang pamilya.
Sabi kasi ni Yorme, napakahabang panahon ang 24 na taon niyang ginugol bilang public servant kaya hindi raw maikakaila na napagkaitan niya talaga ng malaking bahagi ng kanyang buhay ang kanyang pamilya dahil tumutok siya sa trabaho para maibigay ang wastong serbisyo sa mga kababayan.
Pero nitong mga nakaraang araw, nag-viral sa social media ang mga sigaw at panawagan ng mga Manilenyo na “Bumalik Ka Na!” nang bumisita si Yorme sa ilang distrito ng lungsod para alamin ang kalagayan ng mga pamilyang naapektuhan ng sunog.
Siyempre, hindi mai-aalis sa mga Manilenyo, lalo na ng mga taga-Tondo na mag-isip at umasa na ito na ang hudyat nang pagbabalik ni Yorme bilang Ama ng Lungsod ng Maynila dahil halos dalawang taon niyang hindi ginagawa ang pag-iikot sa iba’t-ibang distrito.
Maging ang pagdalo ni Moreno sa isang malaking kaganapan sa bahagi ng District 5 ay nag-viral din sa social media dahil ganito rin ang naging sigaw ng mga residente kaya tuloy maging ang mga bantog na komentarista sa radyo ay nagtatanong na rin kung tatakbo raw bang alkalde ng Maynila si Yorme.
Hindi maiaalis ang pag-aalinlangan ng marami na baka naman hindi ang lokal na pamahalaan ang target ni Yorme kundi ang pambansang posisyon lalo na’t magka-alyado sila sa pulitika ni Mayor Honey Lacuna-Pangan. Alam naman ng publiko na tatay-tatayan ni Yorme ang namayapang dating bise alkalde na si Danny Lacuna kaya nagdududa pa rin sila kung magbabanggaan kaya ang dalawa sa darating na midterm election.
Makailang beses na ring natanong ang dating alkalde kaugnay sa kanyang plano pero madalas niyang tugon ay “Steady lang tayo sa gedli”. Aniya, “I don’t think it is on top of my mind right now. I truly love serving people. Half of my life, 24 years, was dedicated to public service. In fact, still today, I continue to share some ideas with some officials of the country and some localities.”
Hindi naman daw mawawala ang pagmamahal niya sa mga taga-Maynila at sa taumbayan pero ang kinasabikan ng mga tao, ‘yung pahiwatig ni Yorme na hindi naman niya tinutuldukan ang pagbibigay serbisyo sa taumbayan kaya ang tanong ng marami, saan ba pinababalik si Yorme, sa pulitika ba o sa pagiging alkalde ng Maynila?
Maaaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.






