MAGPAPATUPAD ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng traffic management plan para sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakatakda sa Lunes, Hulyo 22, sa Batasang Pambansa sa Quezon City.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, nasa 1,329 na tauhan ang naatasang mamahala sa trapiko ng sasakyan at pedestrian; tumulong sa emergency response; magsagawa ng mga pag-ikot ng mga operasyon sa paglilinis ng kalsada at bangketa; tumulong sa crowd control; at pagsubaybay sa trapiko.
“The MMDA is 100 percent ready for PBBM’s SONA. We are in close coordination with the Task Force SONA 2024, Quezon City Police District, Presidential Security Command, House of Representatives, and Quezon City government to ensure a safe, peaceful and orderly SONA,” ani Artes.
Dagdag pa ni Artes, magpapatupad ang ahensya ng “no day off, no absent” policy sa mga nakatalagang tauhan upang matiyak ang epektibong delegasyon ng mga tungkulin sa pagsasagawa ng SONA.
Bilang bahagi ng traffic management plan nito, magpapatupad ang MMDA ng zipper lane o counterflow sa southbound portions ng Commonwealth Avenue para bigyang-daan ang mga sasakyan ng mga opisyal ng gobyerno at mga bisitang papunta sa Batasang Pambansa Complex.
Ang Batasan-IBP Road naman ay isasara sa vehicular traffic sa ganap na alas-8 ng umaga bilang bahagi ng seguridad para sa ika-3 SONA ng Pangulo.
Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta upang maiwasan ang inaasahang mabigat na trapiko sa Commonwealth Avenue at sa paligid ng Batasang Pambansa Complex, lalo na bandang alas-3 ng hapon sa oras na dumating na ang mga dignitaryo.
Naglabas naman ang MMDA ng mga alternatibong ruta para sa mga behikulong maaapektuhan ng pagsasara ng ilang kalsada. Northbound lane mula Quezon Memorial Circle hanggang Fairview, ang mga sasakyan mula sa Elliptical Road ay maaaring dumaan sa North Avenue, kumanan sa Mindanao Avenue, pagkatapos ay kumanan sa Sauyo Road o dumaan sa Quirino Highway upang marating ang destinasyon.
Ang Southbound lane naman na Fairview papuntang Quezon Memorial Circle, ang mga sasakyan mula sa Commonwealth Avenue ay maaaring dumaan sa Sauyo Road o Quirino Highway, kumaliwa sa Mindanao Avenue, pagkatapos ay kumaliwa sa North Avenue upang marating ang destinasyon.
Para naman sa mga light vehicles, mula sa C5 Road ay maaaring kumaliwa sa Magiting St., kumanan sa Maginhawa St., kumaliwa sa Mayaman St. hanggang Kalayaan Avenue upang marating ang destinasyon.
Para naman sa mga truck na manggagaling sa C-5 sa kahabaan ng Katipunan Avenue ay maaaring dumaan sa Luzon Flyover pagkatapos ay kumaliwa sa Congressional Avenue upang marating ang destinasyon.
Nabatid na isang MMDA Mobile Command Center ang nilagyan ng CCTV monitors, ang ipapakalat sa Batasan corner Commonwealth area. Bukod dito, susubaybayan ang mga kilos protesta ng SONA sa bagong MMDA Communications and Command Center na matatagpuan sa Pasig City.
Ang mga ambulansya, tow truck, mobile patrol units, motorcycle units, at flood mitigation equipment, bukod sa iba pa, ay ipapadala rin sa mga itinalagang ruta at staging areas.
Ilalagay ang mga traffic advisory signage sa mga alternatibong ruta para magsilbing gabay para sa mga motorista. Ilalagay din ang mga plastic barrier at traffic cone sa mga zipper lane at mga apektadong kalsada.
Inaasahang luluwag ang daloy ng trapiko sa paligid ng Batasang Pambansa matapos ang SONA ng Pangulo. JAY Reyes