MANILA, Philippines- Inilagay sa Code Blue alert ang National Capital Region (NCR), Ilocos Region, CALABARZON at Central Luzon kasunod ng pananalasa ng bagyong Carina at Southwest Monsoon o Habagat, sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa.
Sa ilalim ng code blue, pangalawa sa pinakamataas na alerto, mayroong 50% agency resource mobilization, ibig sabihin, pinakikilos ang team upang dagdagan ang mga kasalukuyang regular day-to-day resources, at upang asikasuhin ang mga apektadong lugar o upang gamutin ang mga pasyente.
Isinaaktibo rin ng Department of Health’s (DOH) Incident Command System at nagsagawa ng coordinative meeting sa health clusters.
Inabisuhan naman ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hinggil sa alerto.
Sinabi ni Herbosa sa press conference na itinaas ang code blue alert sa Metro Manila regional office, gayundin ang mga hospital ng DOH na kinokonsiderang nsa ilalim ng blue alert.
Kasama rin ang Ilocos at CALABARZON, at Central Luzon, sabi pa ni Herbosa.
Lumabas sa datos ng DOH nitong alas-12 ng tanghali na nasa ilalim ng Code White ang Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR).
Inihayag ng DOH nitong Miyerkules na nagdeklara ito ng Code White alert sa lahat ng Centers for Health Development nito sa buong bansa, gayundin sa Ministry of Health sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, dahil sa masamang panahon na dala ni Carina at ng Habagat.
Kadalasang nagdedeklara ng Code White Alert ang DOH kapag ang Tropical Cyclone Wins Signal (TCWS) No. 2 pataas ay pinairal tuwing tropical cyclones.
Sa ilalim ng alerto, hindi na kailangan ang activation ng incident command system.
Bukod sa mga bayan sa Metro Manila, nagdeklara ng state of calamity sa Bataan, Bulacan, Batangas at Cavite dahil sa masamang panahon, ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr. nitong Huwebes. Jocelyn Tabangcura-Domenden