MANILA, Philippines- Nagdulot ang Southwest Monsoon o Habagat na pinalakas ng Super Typhoon Carina ng P203.38 milyong halaga ng agricultural losses, base sa Department of Agriculture (DA) nitong Huwebes.
Sa bulletin ng DA, sinabi nitong ang mga apektadong lugar ay Nueva Ecija, Pampanga, Oriental Mindoro, Romblon, Aklan, Capiz, Iloilo, Negros Occidental, Southern Leyte, Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Sur, Agusan del Sur, at North Cotabato.
Anang DA, mayorya ng agricultural loss ay palay, pumalo sa 2,299 metric tons (MT).
Kabilang pa sa apektadong agricultural commodities ang high value crops, mais, at livestock at poultry.
Nakapagtala rin ang DA ng 2,323 animal losses.
Samantala, ang agricultural losses mula sa Carina-enhanced Habagat ay nakaapekto sa 9,198 magsasaka, na may volume of production loss na 2,574 MT.
Subalit, binanggit ng DA na beberipikahin pa ang datos.
Nauna nang iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nagtamo ang bansa ng P9,706,852 halaga ng agricultural damage mula sa weather disturbance kamakailam.
Sinabi ng DA na tutulungan nito ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pamamahagi ng 72,174 sako ng rice seeds, 39,546 sako ng corn seeds, 59,600 pouches, at 1,966 kilo ng vegetable seeds.
Dagdag ng ahensya, aasistihan din nila ang mga magsasaka sa pamamagitan ng Survival and Recovery Loan Program, Quick Response Fund, at ng pondo ng Philippine Crop Insurance Corporation.
Lumabas si Carina ng Philippine Area of Responsibility nitong Huwebes ng umaga subalit umiiral pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes. RNT/SA