Home METRO One-month moratorium sa amortization ng mga apektado ng pagbaha, kinatigan ni Vargas

One-month moratorium sa amortization ng mga apektado ng pagbaha, kinatigan ni Vargas

143
0

SUPORTADO ni three-time Congressman at kasalukuyang Quezon City Councilor Alfred Vargas ang aksyon ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na pagpataw ng one-month amortization moratorium sa mga nasalanta ng bagyong Carina.

“Ang bahay ang pundasyon ng buhay ng bawat pamilyang Pilipino. Ang seguridad sa tahanan ay napakahalaga, lalo na para agarang makabangon mula sa mga sakuna at trahedya,“ ani Vargas.

“Malaking ginhawa sa ating mga kababayan ang mga agarang aksyon na ginawa ng DHSUD sa ilalim ng masipag nating Secretary Jose Rizalino Acuzar. Ang mga ito’y pagpapabatid ng malasakit ng pamahalaan, na dinig nila ang pangangailangan ng mga biktima,” dagdag pa ni Vargas.

Nauna rito inutos ni Secretary Acuzar sa key shelter agencies ng DHSUD tulad ng Pag-IBIG, National Housing Authority (NHA), at Social Housing Finance Corporation (SHFC) ang isang buwang moratorium sa pagbayad ng amortization sa kanilang mga nasasakupan. Saklaw nito ang mga naapektuhan ng malawakang pag-ulan at pagbaha nitong linggo.

Sinabi pa ni Vargas, dapat ding tularan ang mabilis na pagsaayos ng DSHUD ng regional response team bago pa man manalanta ang bagyo.

Sa isang direktiba ng DHSUD, ang bawat regional office ay inatasang maghanda para sa emergency response at humanitarian assistance.

“Si Pangulong Bongbong Marcos mismo ay naging mabilis at hands-on sa pagresponde sa sakuna. Kahanga-hangang personal siyang bumaba para tumulong at mamuno. Under his leadership, we quickly mitigated the impact of this disaster,” ani Vargas.

Base sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit 3.6 milyong Pilipino ang naapektuhan ng magkahalong lakas ng habagat at mga bagyong Butchoy at Carina.

Tinatayang aabot din sa 212 milyong piso ang pinsala sa agrikultura at mahigit 171 milyong piso sa infrastruktura. Umabot naman sa 105 na lungsod at bayan ang nagdeklara ng state of calamity.

“As former Social Services Committee Chairperson sa Kongreso, batid nating malaking bahagi ang infrastructure resiliency sa whole-of-government response sa sakuna, lalo na dahil sa climate change. Kaisa tayo ng DHSUD sa pagpapatibay ng intensified post-disaster shelter response ng ating Pangulong Bongbong Marcos,” pahayag ni Vargas. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here