Home OPINION 26M MAG-AARAL DELIKADO SA BAHA

26M MAG-AARAL DELIKADO SA BAHA

152
0

NAGSIMULA na ang pasukan sa buong Pinas, lalo na sa kindergarten, elementarya, high school at altenative learning system sa ilalim ng Department of Education.

Halos 20 milyong mag-aaral ang nag-enrol para sa taong 2024-2025.

Siyempre pa, iba ang mga nasa kolehiyo na karaniwang nasa 3.5 milyon at mga nasa teknikal at bokasyonal na karaniwang nasa 2.5 milyon taon-taon o kabuuang 6 milyon.

Napakarami ‘yan na nakakalat sa buong bansa.

Karaniwang mula Lunes hanggang Biyernes ang pasukan sa iskul ng mga nasa mabababang paaralan samantalang karaniwang mula Lunes hanggang Sabado ang mga nasa kolehiyo at teknikal at bokasyonal.

Kung milyones ang mga estudyante, milyones din ang mga umaalalay sa mga ito gaya ng mga magulang, guro at iba pang nag-aalaga sa mga ito, pwera pa ang mga tsuper ng mga sasakyan na naghahatid-sundo ng mga mag-aaral.

Sa madaling salita, lumalabas ang mga ito halos araw-araw at halos Linggo lang ang kanilang pahinga.

KASAMA SA MABABAHA

Ngayong tagbagyo, tag-ulan, taghabagat at tagbaha, anak ng tokwa,  milyones na mag-aaral at umaalalay sa kanila ang aalagaan ng pamahalaan upang hindi manganib sa mga ulan at baha.

Nitong bakasyon, tanging ang nasa 50 milyong obrero at empleyado sa pribado at pampublikong sektor karaniwan ang mga nasa kalsada na naglalakad, laman ng mga sasakyan at iba pa.

Kapag pinagsama mo ang mga nasa 26 milyong estudyante at 50 milyong obrero, 76 milyon ang nakasalang sa mga lansangan sa mga oras ng masasamang panahon.

Lumalabas na hindi lang ang pamahalaan ang magpapasan para sa kaligtasan sa mga panganib ng 76 milyong tao kundi ang milyon-milyong ding mamamayan.

NASAAN ANG NASA P600B PONDO LABAN SA BAHA?

Kapag nagkamali ng anunsyo ang pamahalaan ukol sa ulan, bagyo, habagat at baha, naririyan ang pagtigil ng mundo, lalo na sa malalaking kalunsuran gaya ng Metro Manila na may residenteng nasa 15 milyon at nadaragdagan ng ilang milyon sa araw dahil sa pagdagsa rito ng mga estudyante at obrero mula sa mga kalapit na lalawigang Rizal, Cavite, Laguna at Bulacan.

Nitong nakaraang linggo, may stranded sa ulan at baha sa North Luzon Expressway at MacArthur Highway na libo-libong tao sa loob ng ilang oras hanggang mahigit 20 oras.

Nasa 15 oras ding nakulong sa mga lansangan ang libo-libo rin sa loob ng Metro Manila.

Perwisyo ang kalagayang ganito dahil tiyak ang kawalan ng tulog at pahinga ng mga stranded, stress na kanilang dinanas at pagkakaroon ng malalaking sira sa mga may sasakyan na nalunod sa baha.

Marami ang nawalan ng kita gaya ng mga obrero, negosyante at iba pa, bukod pa ang nagkasakit.

Kasama sa mga nagkasakit ang hindi nakaihi at nakadumi sa tamang oras dahil sa pagka-stranded nila sa mga lansangan.

Maaaring magbunga rin ng kabobohan sa mga estudyante ang ganitong mga sitwasyon.

Napakahalagang tanong: Nasaan na ang magandang bunga ng mahigit P600 bilyon buwis ng mga mamamayan na panlaban sa baha taon-taon simula nang umupo si Pangulong Bongbong Marcos?

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here