Home OPINION PALPAK NA FLOOD CONTROL

PALPAK NA FLOOD CONTROL

177
0

KASUNOD ng  pagmamalaki sa libu-libo niyang flood control projects sa kanyang ikatlong State of the Nation Address, personal na nakita ni President Marcos ang pinakamatinding pananalasa ng malawakang baha sa sentro ng komersiyo ng bansa at sa maraming bahagi ng Luzon na nangyari sa ilalim ng kanyang termino.

Kaagad niyang isinisi ang trahedya sa hindi tamang pagtatapon ng basura, kaya naiipon at tumatambak ang mga ito sa mga ilog at daluyan, at bumabara sa mga pumping stations at kanal, at sa huli, nagreresulta sa pagbabaha ng mga lansangan.

Sa kabila nito, dapat naman talagang sitahin ang publiko, turuan (muli) sa wastong pangangasiwa ng basura, at paalalahanang huwag itapon ang mga ito sa lansangan. Ano nga iyong kasabihang Pinoy na napakatagal na nating naririnig? “Ang basurang itinapon mo ay babalik sa iyo.”

Pananagutan ng gobyerno

Linawin lang natin na ang epekto ng climate change at iresponsableng pagtatapon ng basura, gaya ng tinukoy ni Marcos, ay hindi lamang ang mga bagay na nagresulta sa malawakang pagbaha kamakailan.

Para patas naman sa kanya, kahit bago pa ang kanyang panunungkulan, lagi nang palpak ang pagtugon ng gobyerno sa flood control, sa maraming aspeto. Gayunman, ang pamilyar na ginawa ng Pangulo na paninisi sa publiko ay mistulang pagtatakip sa pananagutan ng pamahalaan.

Gaya nga nang binigyang-diin ng grupong Agham, ang hinarap nating krisis sa baha ay isang nakalulungkot na kombinasyon ng kawalang kakayahang tugunan ang problema at kapabayaan sa panig ng gobyerno na naglalantad sa panganib sa mga buhay at pinagkakakitaan.

Mga kapalpakan

Karapat-dapat lang banggitin sa kolum na ito ang komprehensibong analysis ng Agham sa sitwasyon dahil tinutukoy nito ang mga pangunahing kabiguan na nagbunsod sa problema natin ngayon.

Una, ibinunyag nito ang limitadong pagkakaunawa ng gobyerno sa problema, na sinasalamin ng kapos na pagkakaintindi nito sa inaasahang lala ng pagbabaha, na nagresulta sa mga polisiyang mali ang tinutuntong direksyon at sa hindi epektibong paglalapat ng solusyon.

 Pangalawa, nariyan ang mga walang epektong structural interventions sa kabila ng bilyun-bilyon piso ang inilalaan sa mga sana ay pisikal na kumokontrol sa baha. Napatunayan nang hindi naaakma at hindi sapat ang mga ito. Patuloy na nananalasa sa mga komunidad ang baha dahil ang mga naisip nilang paraan ay dapat na agapayan ng non-structural measures, tulad ng mga polisiya sa paggamit ng lupa at pangangalaga sa watershed, para makasumpong ng komprehensibong solusyon.

 Pangatlo, inalam na ba ng Presidente kung ang pangangasiwa sa pondo para sa flood control ay walang bahid ng korapsyon at nagagamit nang tama? Bilyun-bilyong piso ang pinag-uusapan natin dito. Kapag walang transparency at pananagutan sa paglalaan at paggastos sa mga pondong ito, doble ang krimeng ginawa laban sa bawat sinalanta ng baha sa bansa.

                                 *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here