Home OPINION MAGING ALERTO PARA SA OFWs SA ME

MAGING ALERTO PARA SA OFWs SA ME

162
0

POSIBLE umanong sisiklab ang isang malawakang giyera sa Middle East o sa mga bansang Arabo at Israel at kinatatakutan ito ng marami.

Kasama umano sa pinag-uugatan ng giyera ang pagpasok ng missile ng Israel para sa asasinasyon ng pinuno ng Hamas na si  Ismail Haniyeh kamakailan lang sa Tehran, Iran.

Sinundan ito ng pagbomba sa Lebanon at pagpatay pa rin ng Israel sa isang mataas na pinuno ng Hezbollah na si Fuad Shukr.

Sa kabilang banda, nagpaputok ng mga rocket ang Hezbollah sa Israel na ikinamatay ng nasa 12 bata na naglalaro sa isang parke.

Nauugnay ito sa giyera sa pagitan ng Israel at Hamas na ikinamatay na ng mahigit 39,000 Palestino at halos 2,000 na ring Israelita simula noong Oktubre 7, 2023.

PALITAN NG BANTA

Makaraang mamatay ang mga bata na pinasabog ng Hezbollah, nagbanta ang Israel nang matindi.

‘Yun bang === magbabayad umano ng mahal ang Hezbollah.

At isa na nga ang pagpatay kay Shukr na siyang utak umano sa pagpatay sa 12 bata bilang balikwas ng Israel.

Sumunod dito ang pagpatay ng Israel kay Haniyeh na naroon sa Iran upang makisama sa selebrasyon ng pagiging bagong Pangulo ng Iran na si Masoud Pezeshkian sa Tehran, Iran.

Nagbunga naman ang mga pagpatay ng Israel ng banta mula sa Iran.

Lumalaganap ang balitang direktang aatake ang Iran sa Israel anomang araw mula ngayon.

Nagbanta naman ang United States na makikialam na laban sa Iran sakaling aatake ito sa Israel.

Matatandaang  nitong nakaraang Abril 2024, nagpaulan ang Iran sa Israel ng mga missile at drone bilang ganti sa pagbomba ng Israel sa Syria na ikinamatay ng dalawang heneral at iba pang opisyal ng Iran.

3 BANSA NANGANGANIB

Kapag sumiklab ang digmaan, sinasabing masisira ang tatlong bansa: Israel, Lebanon at Iran.

Ang nakatatakot pa, maaaring lalawak ang digmaan dahil sa magaganap na kampihan ng mga bansa sa lugar laban sa isa’t isa.

Paano kung maganap ang lahat ng ito?

MGA OFW PANGALAGAAN

Madaling gawin ang pagpigil ng mga overseas Filipino worker na nasa Pinas na pumunta sa nasabing tatlong bansa.

Ngunit ang pag-aalaga sa mga OFW na naroon na sa tatlong bansa na maiipit sa giyera ang sadyang mahirap.

May 30,000 umanong OFW sa Israel habang may 34,000 naman umano sa Lebanon at mayroon ding nasa 1,000 sa Iran.

Paano ang iba pang libo-libo o daan-daang libong OFW sa ibang mga kalapit na bansa, kasama na ang milyong nasa Saudi Arabia kung madadamay sila sa posibleng giyera?

Dapat maging alerto ang pamahalaan para umayuda…kung sakali…na may mangyaring hindi maganda.

Ang mga OFW, tulad ng dati, may mga sariling diskarte ngunit dapat na maagap at hindi maging pabaya o huli ang pamahalan sa pagkilos para sa kaligtasan ng mga ito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here