INAAYOS na umano ng Meta, mother company ng Facebook, ang Artificial Intelligence na gamit nito sa pakikipag-ugnayan sa publiko, lalo na sa paglalabas ng impormasyon na nais malaman ng publiko.
Ginagawa ang pagsasaayos sa AI makaraang sumagot nang malaking kamalian sa isang nagtatanong ukol sa naganap na pamamaril kay ex-United States President Donald Trump kamakailan lang.
Inireklamo ang Meta AI ng isang follower dahil sa maling sagot nito sa pamamaril kay Trump.
“Trump shooting did not happen,” sagot umano ng AI chatbot sa tanong.
Napansin din umano sa litrato ni Trump sa pangyayari na pinalibutan siya ng mga taong tila tumatawa o ngumingiti na taliwas din umano sa katotohanan.
Pawang mga kasinungalingan naman umano ang mga ito.
Dahil dito, agad na inilagay sa pag-aayos ang AI chatbot at tinawag ng Meta na hallucination ang nangyari sa AI.
Sa hallucination o guni-guni lang sa AI, ipinakikita nito ang isang bagay na totoo o tama kahit ito’y kabalintuanan o mali at misleading.
Paliwanag ngayon ng META, normal umanong nagaganap ang hallucination.
Lalo na sa mga pangyayaring kagaganap lamang dahil nalilito umano ang AI sa rami ng mga pumapasok na impormasyon dito.
Gayunman, sinasabi rin ng iba na limitado talaga ang kaalaman ng AI at hanggang sa isinusubo lang ito ng mga may hawak nito o kanilang mga assistant.
Naalala ko tuloy, mga brad, ang mga propesor na ipinauubaya sa AI ang pagsusuri sa mga sagot sa mga eksaminasyon o pagsusulit.
Halimbawa sa mga pagsusulit para sa mga doktor, abogado at iba pang mga sensitibong propesyon at nakataya ang mga usapin ang buhay at sakit, katarungan at krimen.
Paano kung mali-mali ang mga ginagamit na AI sa pagsusuri sa pagpapasa o pagpapabagsak ng mga kumukuha ng pagsusulit?
Nakatatakot isiping magkakaroon tayo ng mga doktor, abogado at iba pa na magiging banta sa buhay, katarungan at iba pa na kagagawan ng AI.






