
KAILANGANG magtulungan ang lahat ng sangay ng pamahalaan upang masolusyunan kung paano maisasalba ang kalikasan sa epekto nang tumagas na langis mula sa lumubog na barkong MT Terranova sa Lamao Point, Limay, Bataan noong kasagsagan ng bagyong Carina.
Hindi dapat magsisihan sapagkat wala namang may kagustuhan sa naganap na trahedya kung saan lumubog ang barkong naglalaman ng 1.5 million liters ng industrial oil nang payagan ito ng kinauukulang ahensiya na makapaglayag sa kabila ng masamang lagay ng panahon. Sa halip, unahin dapat ang pagbibigay solusyon upang hindi pa lumala ang epekto sa mamamayan sa iba’t ibang kalapit na lalawigan.
Sino nga ba ang dapat na managot sa pangyayari? Ang mga may-ari ng barko o ang may-ari ng kargamento? Ang MT Terranova ay pag-aari ng Shogun Ships Company Inc. ang dapat managot sa environmental damage at hindi ang may-ari ng cargo. Una, ibinayad ito ng may-ari ng industrial oil kung kaya responsibilidad o pananagutan ng barko ang anomang mangyayari sa kargamento.
Higit na dapat pagtuunan ng mga kinauukulan sa ngayon ay ang collective action at suporta sa isinasagawang recovery efforts at hindi na dapat magturuan at magsisihan na siyang nagpapabagal sa pagbibigay aksyon sa mga naapektuhan lalo na sa mga bahaging tubig.
Sa pangunguna ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, isang inter-agency task force ang binuo upang tugunan ang pagbibigay solusyon sa pagtagas ng langis at maisalba ang bahaging naapektuhan nito.
Iba’t ibang tanggapan ang nagsasama –sama upang mabuo ang Inter-agency task force kabilang ang local government units ng Bataan, Bulacan, Navotas, Manila, Pasay, Parañaque, Las Piñas at Cavite.
Nakatutok ang task force hindi lang upang maresolba ang oil spill sa Lamao Point subalit maging ang pagliligtas sa milyong litro ng industrial fuel.
Ipinag-utos naman ni Pangulong Marcos ang pag-asiste ng task force sa mga local government unit na apektado ng oil spill.