SA panahon ngayon, maraming uri ng karamdaman ang maaaring dumapo kanino man. Dahil dito, mahalaga na palakasin natin ang ating mga katawan sa pamamagitan ng maayos na pagkain.
Nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) sa mga mambabatas na pakinggan ang apela ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para sa pagtataas ng food and medical allowance ng persons deprived of liberty (PDLs) na nasa iba’t ibang city, municipal, provincial at regional prison facilities sa bansa.
Sa pagdinig ng Appropriations Panel on budget deliberations ng House of Representatives, sinabi ni BJMP chief jail director Ruel Rivera na kinakailangan nang doblehin ang nakalaang budget para sa pagkain at gamot ng mga PDL na sa kasalukuyan, nasa Php 70.00 lamang para sa tatlong beses na kainan at Php 30.00 na laan para sa pangangailangan sa kalusugan.
Para sa CHR, makatuwiran ang hiling ng BJMP para maseguro ang makataong kondisyon ng mga PDL at maisakatuparan ang mga reformation program na maghahanda sa kanila na muling maging bahagi ng malayang lipunan. Magiging ganap lamang ang repormasyon ng isang PDL kung hindi kumakalam ang kanyang sikmura at wala siyang sakit na nararamdaman.
Kaya suportado ng komisyon ang pagtataas sa Php 100.00 ng meal allowance at Php 30.00 para sa medical allowance.
Tinatayang nasa 117,000 ang bilang ng mga PDL sa buong bansa.
Ayon sa CHR, taong 2022 nang muling magdagdag ng budget sa pang-araw-araw na pagkain ng mga PDL. Mula taong 2023 hanggang sa kasalukuyan bahagya pa ring mataas ang presyo ng mga bilihin.
Ayon pa sa CHR, bilang nakalagda sa International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR), responsibilidad ng bansa na seguruhin ang maayos na kalagayan ng mga PDL sa bawat araw na nasa pangangalaga sila ng BJMP.
Sa kabuuang Php 6.352 trillion national budget para sa 2025, nasa Php 29.2 billion ang nakalaan sa BJMP at higit na mas mataas sa Php 23.87 billion ngayong 2024.






