GUESSING game muna tayo sa isyu na ito ng ating Pakurot. Paganahin ang utak upang hind imaging ‘idle’ at sa halip ay maging “Marites” at “Tolits” muna sa mga oras na ito.
Sino ang politikong ito na nagtungo sa Malacañang dahil ‘feeling’ niya ay malakas siya sa babaeng nagpatibok ng puso ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.?
Feeling niya lang pala iyon. Kasi nga, pinaghintay lang siya nang matagal na oras subalit hindi naman siya nilabas kahit sino sa mag-asawa.
Dati kasi, nakakausap ng politikong ito umano si First Lady Lisa Marcos at dahil magiliw sa kanya ay inakala nitong si Politiko na siya na ang mamanuking ng Presidential Couple sa larangang kanyang nais na pasukin.
Kilalang politiko at totoong malakas ang karisma sa tao lamang ay hindi pinalad sa huling pagtakbo niya nitong nakaraang halalan. Kasi nga masyadong mataas kaagad ang kanyang inambisyon na pwesto.
Para sa netizens, matayog ang pangarap nitong politiko.
Sa kanyang pagbabalik, mukhang hindi na siya ang mamanukin ng mga ito at sa katunayan upang makalasap ng muling pagkatalo, kinuha ng Palasyo ang kanyang political strategist at inilagay sa posisyong mas mataas pa ngayon sa dating pwesto nito kay Politiko.
Bakit nga ba ginagawa ito ng Palasyo sa nagbabalik na politikong ito?
Kasi nga, may isa pang politikong malapit kay Pangulong Bongbong at FL Liza na ayaw sumikat ang dating sikat na politiko.
Eh sino naman ang malapit na politikong ito? Siya raw ay ma-epal na politiko at kung makaasta ay tila siya ang may-ari ng Palasyo. Paladesisyon pa sabi ng mga insider sa Malacañang.
Ayaw na ayaw nitong ma-epal na politiko na makabalik ang “ningning” ng matayog ang pangarap na politiko dahil kapag muling sumikat ito, tiyak na may kalalagyan siya sa ninanais niyang mataas na pwesto sa 2028.
Alam na ba these? Siguro naman ay kilala nyo na si Maepal na politician at matayog ang pangarap na politiko?
Tahimik na lang tayo. Abangan na lang ang kanilang magiging kinabukasan sa political arena.






