MANILA, Philippines – NAGHAIN na ng kanilang certificate of nomination ang TGP Partylist sa pamamagitan ni Representative Jose ‘Bong’ Teves Jr. sa Commission on Elections sa Manila Hotel Tent City nitong araw ng Sabado, Oktubre 5.
Ayon kay House Deputy Majority Leader at TGP Partylist Congressman Jose Bong Teves Jr., dahil sa kanilang magandang performance, hangad aniyang makakuha ng tatlong kinatawan ang TGP sa kongreso, at sa pamamagitan aniya nito, ay lalo pang mapagbuti at madoble ang serbisyo ng partylist sa bawat Pilipino.
Muling ilalaban at ibibida ng TGP sa kongreso ang mga adbokasiya nito para sa kabataan, kalusugan, at pangangalaga sa kalikasan kabilang na ang pagsusulong ng murang gamot, sakaling palarin sa 2025 midterm elections.
Sinabi pa ni Teves, isusulong din nito na maisama na rin sa Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) Program ng Department of Health ang pagtanggal sa doctors fee upang lalo pang makatulong sa mahihirap na mga pasyente.
Ang TGP Partylist ay mahigit limang taon nang nagseserbisyo at nakatulong na sa mahigit kalahating milyong maralitang Pilipino sa pamamagitan ng educational, livelihood, medical assistance, gardening tools maging mga programang AICS, TUPAD at AKAP ng Department of Labor and Employment.
Tumutulong din ang partido sa mga proyektong pang-imprastraktura sa iba’t-ibang mga lalawigan at bayan tulad na lamang ng multi-purpose buildings, farm-to-market roads, covered court, at evacuation centers.
Nananawagan naman si Congressman Teves sa kaniyang mga kapatid na Triskelion at TGP Partylist partners na muling sumuporta sa TGP at huwag hayaang mawala ang partido sa kongreso kundi madagdagan pa sa paglilingkod sa publiko. RNT