MANILA, Philippines – Nag-isyu na ng guidelines ang ilang local na pamahalaan para sa paggunita ng Undas 2024.
Kabilang sa mga panuntunan na inilabas ng ilang LGU ay ang schedule ng mga sementeryo, at mga ipinagbabawal na dalhin o mga aktibidad kapag bibisita sa mga yumaong mahal sa buhay.
Sa Muntinlupa City, inanunsyo na ang Libingang Panlungsod ng Muntinlupa ay bukas mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 1, mula alas-6 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi.
Hindi naman papayagan ang libing o cremation mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2. Sa kabila nito, ang mga aktibidad na ito ay maaari pa ring payagan depende sa pangangailangan.
Ang paglilinis, pagpipintura at renovation naman ng mga libingan ay papayagan lamang hanggang Oktubre 28.
Sa Caloocan City naman, ang iskedyul ng mga sementeryo ay mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2, mula alas-7 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi.
Papayagan ang paglilinis ng mga puntod hanggang Oktubre 29.
Para sa lungsod ng Maynila, ang Manila North at South Cemeteries ay bukas mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3, mula alas-5 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.
Ang paglilinis, pagpipintura at repair sa loob ng sementeryo ay hanggang sa Oktubre 26, 2024 lamang.
Hindi rin papayagan ang mga vendor sa loob ng sementeryo at kailangang kumuha ng TAG ang mga batang isasama sa sementeryo, mula sa Manila Department of Social Welfare “for easy identification if lost”
Naka-standby naman ang mga ambulansya at doctor mula sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office para sa mga mangangailangan nito.
Ilalagay din sa iba’t ibang lugar sa sementeryo ang mga portalets.
Bukod sa mga nabanggit na lugar, naglabas din ng sariling panuntunan ang Antipolo City. RNT/JGC