ALAM ba ninyo na isa sa dapat na ipanalangin ngayong tumama si bagyong Kristine ang pagiging ligtas ng mga dam sa bansa sa pagguho?
Noong una, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na hanggang Miyerkules lang ang bagyo ngunit tumagal ito hanggang ngayon, Biyernes.
Nangangailangan tayo ng panalangin lalo na kung isipin na kakaiba ang dalang ulan ni Kristine.
Nagiging batayan natin ang karanasan ng Kabikolan na sa nakalipas na nasa 50 taon, ngayon lang naulit ang grabeng pag-ulan.
At ang matindi pa, buong Luzon ang tinamaan kahapon bagama’t tinamaan na ang Kabisayaan at malaking bahagi ng Mindanao noong unang mga araw.
Hindi na lang tayo dapat umasa sa ating mga sarili at pamahalaan para sa kaligtasan kundi maging sa Diyos.
14 PATAY AT STILL COUNTING
Talagang matindi ang bagyong Kristine, lalo na sa dulot nitong napakalawak at napakalaking baha.
Habang tinitipa ito, may 11 patay mismo sa Naga City habang may dalawa sa Quezon at isa sa Manila.
At huwag naman sanang maganap, maaaring may susunod pang masasawi dahil habang sa oras na sinusulat ito, rumaragasa na ang bagyo sa buong northern Luzon.
Umabot sa ikalawang palapag ang baha sa maraming parte sa Kabikolan at itinuring ang baha na mala-Ondoy na nagpalubog sa malaking bahagi ng Metro Manila noong 2009 na kinamatayan ng 710 katao.
Kaya naman, may mga nasawi sa Kabikolan, Quezon at Manila at malamang may mga susunod pang iuulat na nasawi.
Kinukwenta pa ang mga nasirang pagkain at ari-ariang pribado at pampamahalaan.
MAGBAKWIT LAHAT
May mga kautusan ang pamahalaan na magbakwit ang lahat ng mga nakatira sa mababang lugar, gilid ng mga ilog at karagatan at nasa pagitan ng mga kabundukan.
Kasama na ang lahat ng nakatira sa dati nang mga binabahang lugar.
Pinakamahalagang gawin ang pagbabakwit dahil pananggalang ito sa kamatayan, lalo na’t pinakamahalaga ang buhay.
Ang mga ari-arian, kung nawala, mapupundar muli ngunit hindi ang buhay na nakitil na.
Walang mayaman at walang mahirap sa bagyo, lalo na sa mga nakarita sa mabababang tahanan at mabababa at bahaing lugar.
Kaya kung mangalap si kamatayan wala ring pinipili.
Isipin nating hindi lang sa oras na paghagupit ng bagyo mayroong baha.
May mga bahang dumarating mula sa matataas na lugar at kabundukan ilang oras lang makaraan ang mga malakas na ulan.
Kaya hindi lang ngayong Biyernes may baha kundi maging bukas o Sabado hanggang Linggo.
Kaya magbakwit ang dapat magbakwit.
PULITIKA ISANTABI
Dapat isantabi ang pamumulitika sa mga panahong ito.
Ang mga ginugugol na oras at salapi sa pamumulitika, dapat ibuhos para sa kapakanan ng mga nasasawi, nagugutom, naghihirap at mga nagliligtas at tumutulong sa milyon-milyong biktima ng bagyo, baha at landslide.






